News Releases

English | Tagalog

Andre, pasok na sa Big Otso ng "PBB"

July 29, 2019 AT 03 : 42 PM

Si Andre Brouillette ng Team LAYF ang kumumpleto sa listahan ng Big Otso finalists matapos siyang makakuha ng pinakamataas na boto mula sa publiko at iluklok sa ika-walong trono noong Sabado (Hulyo 27) sa “PBB Otso”.
 
Nakakuha si Andre ng 57.85% na total public votes kumpara sa mga miyembro ng Batch 4 na sina Argel Saycon (22.36%), Wealand Ferrer (15.77%), at Akie Poblete (4.02%).
 
Kasama ng housemate mula Hawaii sa Big Otso ang winners ng kani-kanilang batches na sina Lie Reposposa, Ashley Del Mundo, Kiara Takahashi, ang ibinoto ng bayan mula Batch 1 na si Kaori Oinuma, at ang kapwa niya Batch 2 housemates na sina Lou Yanong, Yamyam Gucong, at Fumiya Sankai.
 
Hindi pa tapos ang hamon ng natitirang walong housemates dahil sunod-sunod na pagsubok pa ang haharapin nila habang papalapit ang Big Night. Ang unang hamong binigay ni Kuya ay ang Big Otso platform, kung saan kailangan sa bawa’t galaw nila sa bahay ay nakaapak sila sa platform at walang parte ng katawan nila ang tatama sa sahig ng bahay.
 
Isang rebelasyon din ang Golden 8 na binubuo ng 100 golden bars: kada task na mapagtatagumpayan, makakaipon sila ng golden bars at ang dami ng makukuha nila ay makakatulong sa kanilang ranking para makapasok sa Ultim8 Big Four.
 
Nakasalalay sa kanilang tagumpay sa tasks at boto ng taong bayan ang kanilang kapalaran patungong Big Night dahil 50% sa kanilang score ay magmumula sa puntos nila sa Ultim8 challenges at ang natitirang 50% ay mula sa public votes.
 
Samantala, sa mga nais manood ng inaabangang Big Night (Agosto 3 at 4), tumungo lamang sa ktx.abs-cbn.com para makakuha ng libreng tickets. Maaari ring bumili ng VIP (P1,200) at lower box (P1,000) tickets na may kasamang freebies gaya ng PBB fanbook, batch light stick, string bag, button pins, at keychain.
 
Abangan ang bakbakan ng natitirang housemates sa “PBB Otso” gabi-gabi sa Primetime Bida at tuwing hapon sa Kapamilya Gold. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.