Malalaman na sa huling dalawang linggo…
Naglibing na sila ng bangkay, nagtangay ng anak ng iba, at nagsinungaling nang paulit-ulit para takasan ang batas – lahat para sa ngalan ng pagkakaibigan at reputasyon. Pero isa nga ba sa kanila ang pumaslang sa kanilang kaibigan?
Matitikman na ang pangil ng batas at hustisya sa huling dalawang linggo ng top-rating na Kapamilya primetime teleseryeng “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” ngayong palapit na nang palapit na madiskubre kung sino ang tunay na pumatay kay Bogs (Ketchup Eusebio), at kung sangkot ba sa naturang krimen sina Juris (Bela Padilla), Drei (Tony Labrusca), Gaylord (Sandino Martin), Lolita (Ivana Alawi), at Greco (Kit Thompson).
Sama-sama ba nilang aayusin ang mga pagkakamaling nag-ugat sa isang gabi ng krimen sa Baguio, o tuluyan na bang magkakawatak-watak ang pinagsamahan nila?
Matapos mapatunayan sa korteng si Leyna nga si Joy, ang matagal nang nawawalang anak ni Fina (Jodi Sta. Maria), nagsampa na ng kaso ang palabang ina laban kina Juris, Drei, at ang ina nitong senador na si Matilda (Ayen Munji-Laurel).
Dahil sa patong-patong na akusasyon laban sa mga Montelibano, nanganganib na ang reputasyon ni Drei na maaaring makaapekto sa pagtakbo niya bilang senador. Hindi naman nagpapatalo ang makapangyarihang political family dahil ginagawa nila ang lahat para hindi makahanap ng trabaho si Fina at hindi masustentuhan ang mga pangangailangan ni Leyna, lalo na ang mga gamut nito.
Sa kabila ng gulong dulot ng ina laban sa ina, unti-unti na ring naglalaglagan ang magbabarkada, pagkatapos bigyan ni Greco si Fina ng impormasyon tungkol naman sa pagkamatay ng ina nito.
Kumbinsido rin si Lolita na minamanipula lamang sila ni Juris, samantalang naniniwala naman si Gaylord na hinding hindi magagawa ng kaibigan ang pumatay ng kapwa kaibigan.
Ngayong buong tapang nang ilalaban ni Fina ang mga kaso niya laban sa mga Montelibano, nanganganib ding madamay rito ang reporter na si Dolores (Agot Isidro), ang ina ni Juris at dating kakampi ni Fina, na siyang may alam sa tunay na impormasyon sa nangyari noong gabi sa Baguio.
Magtutuloy-tuloy na kaya ang trayduran ng magkakaibigan? Sino nga ba ang pumatay kay Bogs? Sino ang totoong maysala?
Tutukan ang huling dalawang linggo ng “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” sa ABS-CBN.