News Releases

English | Tagalog

Kwento ng pagpapatawad ni Cherry Pie, ilalantad sa "Radical Love"

July 04, 2019 AT 01 : 28 PM

CHERRY PIE SHARES STORY OF FORGIVENESS IN ABS-CBN’S “RADICAL LOVE” DOCUMENTARY  

Kilalang maka-Diyos ang premyadong aktres na si Cherry Pie Picache, ngunit nasubukan ang kanyang pananampalataya nang pinaslang ang kanyang ina si Zenaida Sison noong Setyembre 2014.
 
Ilang taon matapos ang trahedya, ibabahagi ni Cherry Pie ang buong kuwento ng kanyang pagpapatawad, kabilang ang kanyang pagharap sa taong kumitil sa buhay ng kanyang ina sa dokumentaryong “Radical Love” ng ABS-CBN DocuCentral. Mapapanood ito ngayong Linggo (Hulyo 7) sa “Sunday’s Best” pagkatapos ng “GGV” sa ABS-CBN.
 
Nadiskubreng patay sa pananaksak ang ina ng beteranong aktres sa bahay nito sa Quezon City. Ang suspek ay ang houseboy ni Zenaida na si Michael Flores. Ayon sa awtoridad, pagnanakaw ang pakay ni Michael ngunit nauwi ang krimen sa pagpatay sa kanyang amo.
 
Inamin ni Michael ang krimen at nahatulan siya ng habangbuhay na pagkakakulong. Hindi man nabawasan ang pananampalataya ni Cherry Pie sa Diyos, kinuwestyon naman niya ang abilidad niyang magpatawad  sa taong gumawa ng ganoong krimen sa kanyang magulang.
 
“’Di ba ‘yung mawawalan ka ng magulang, ang sakit na? Kapag naaalala mo pa na ganoon ang way, she doesn’t deserve it. Paano ka hihingi ng tawad kung hindi ka magpapatawad?” sabi ni Cherry Pie.
 
Sa gitna ng kanyang pagluluksa at pag-imbestiga sa mga pangyayari, nanatili ang pananampalataya niya sa Diyos. Bago pa nangyari ang krimen, adbokasiya na ni Cherry Pie ang tulungan ang mga nakabilanggo na magbagong buhay. Dito niya naisip na posibleng mapatawad niya si Michael.
 
Sa “Radical Love,” babalikan ni Cherry Pie ang mga lumipas na taon matapos pumanaw ang ina, at paghahandaan ang pagkikita nila ni Michael sa New Bilibid Prison. Sa kanyang desisyong magpatawad, masasabi na ba niyang nakakuha na siya ng katarungan at kapayapaan matapos ng nangyari sa kanyang ina?
 
Panoorin ang dokyumentaryong “Radical Love,” na gawa ng ABS-CBN DocuCentral, ngayong Linggo, Hulyo 7, sa “Sunday’s Best” pagkatapos ng “GGV” sa ABS-CBN. Panoorin ang mga replay sa Hulyo 14 (Linggo) ng 7 pm sa DZMM TeleRadyo at sa Hulyo 15 (Lunes) ng 7 pm sa ANC. Mapapanood rin ito sa iWant.ph pagkatapos ng premiere sa "Sunday's Best." Para sa mga update tungkol sa mga dokyu i-follow ang @DocuCentral sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.