The International 9 via VALVE
Walang aksyon na pinalampas ang fans ng sikat na larong DOTA 2 sa “The International 9: Lakad Matatag” DOTA 2 World Championship live coverage ng ABS-CBN Sports na napapanood sa iWant, ang sikat na streaming service ng ABS-CBN.
Nagsimula noong Martes (Agosto 20) at magpapatuloy hanggang sa Linggo (Agosto 25) ang pagtutok ng sports arm ng ABS-CBN sa prestihiyosong eSports tournament na kasalukuyang ginaganap sa Shanghai, China.
Napanood ng eSports enthusiasts at gamers ang pag-araro ng OG, na nagkampeon noong TI8, sa group stage ng torneo na kinabibilangan ng mga Pilipinong grupo na TNC Pro at Mineski, na napatalsik na sa playoffs kahapon.
Bukod sa OG, dapat ding abangan ng mga Pinoy ang mga manlalaro mula sa Liquid tulad nina Miracle, w33, at Kuro pati na ang Vici Gaming nina Paparazi, Ori, at Fade. Samantala, hindi naipaghiganti ng Evil Geniuses nina Arteezy, SumaiL, at Fly ang kanilang pagkatalo noong nakaraang taon sa OG kagabi.
Para kay Neil De Guzman, na mas kilala bilang ang shoutcaster na si “Midnight,” sadyang nakakalungkot na nalaglag ang TNC at Mineski pero hindi pa ito katapusan para magkaroon din ng tagumpay ang mga koponang binubuo ng mga Pilipino sa palakasan ng DOTA 2.
Ayon din sa kanya, mahirap umanong talunin ang mga kampeon na OG nina N0tail, Ana, JerAx, Ceb, at Topson sa ginawa nilang paglampaso sa kanilang mga hinarap sa group stage ng torneo, kung saan kitang-kita umano ang husay ng limang manlalaro at mukhang mauulit nila ang pagiging hari ng “The International.”
Huwag palampasin ang nagbabagang aksyon sa mundo ng DOTA 2 sa “TI9: Lakad Matatag” coverage na araw-araw mapapanood sa iWant hanggang sa Finals ng Linggo (Agosto 25).
Para sa karagdagang impormasyon at mga kwento tungkol sa TI9 at eSports, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.