“Sabi niya huwag kang sisigaw,”“Pinabayaan na kami ni mama” – ilan lamang ito sa maga hinaing na naririnig ng Bantay Bata 163 mula sa mga kabataang dinadala sa kanila. Ngunit kapag nabigyan sila ng maayos na pag-aaruga at mailgtas sa kalye, may kinabukasan silang hinaharap.
Isa na dito si Maynard, na 7 taong gulang lamang noong kupkopin siya ng Bantay Bata 163: naging scholar, nakapagtapos, at ngayon, nagtratrabaho na sa Bantay Bata 163 coin bank.
“Ginawa ko pong motivation yung nangyari po sa akin noon para maging success ako ngayon,” saad ni Maynard.
Isa lamang si maynard sa mga libo-libong natulungan ng Bantay Bata 163 mula nang itatag ito noong 1997 ng yumaong Gina Lopez, na siya ring nagtatag ng ABS-CBN Foundation.
Ngayon, sa tulong ng iba’t-ibang tao at kumpanya, mas lumawak pa ang Bantay Bata 163 at hindi na lang hotline. Tumutulong ito sa iba’t-ibang paraan, dahil sa mga programa nito sa ilalim ng Bantay Proteksyon, Bantay Edukasyon, Bantay Kalusugan, at Bantay Pamilya.
Nagbibigay rin ito ng legal services at tulugan sa mga nailigtas para maghilom ang naging malalim na mga sugat dulot ng kanilang masasamang karanasan sa buhay.
Nagbibigay rin ito ng training at seminar para maiwasan ang child abuse, itaguyod ang karapatan ng mga bata, at ikalat ang kaalaman sa batas, at iba pang paraan para maprotektahan ang mga bata.
Sa katunayan, nanguna na ang Bantay Bata 163 sa pagbibigay gabay sa mga paaralan sa paggamit ng positibong pagdidisiplina imbes na pisikal na pagdidisiplina.
Sa pagdiriwang ng ABS-CBN ng ika- 65 taong pagsisilbi sa sambayanang Pilipino, makakaasa ang publiko na ipagpapatuloy pa ng Bantay Bata 163 ang misyon nito nang mas maiigting.