iWant is the first Filipino streaming service to sign the ASEAN Subscription Video-on-Demand Industry Content Code, joining other platforms in the region such as Netflix, HOOQ, iflix, Malaysia’s tonton, Astro, and dimsum, and Thailand’s DOONEE.
Ang iWant ang unang streaming service mula sa Pilipinas na pumirma ng ASEAN Subscription Video-on-Demand Industry Content Code, isang kasunduan kasama ang iba pang streaming platforms sa ASEAN region kagaya ng Netflix, HOOQ, iflix, tonton, Astro, at dimsum ng Malaysia, at DOONEE ng Thailand.
Patunay ng paglagda nito sa naturang Content Code ang pagtataguyod ng iWant sa responsibilidad nitong panatilihing tunay, at malaya mula sa pornograpiya at maseselang tema kagaya ng diskriminasyon laban sa iba’t ibang uri ng tao at organisasyon ang mga palabas na inihahandog nito sa iWant users.
Ayon sa iWant head na si Elaine Uy-Casipit, “Nagagalak kaming makiisa kasama ang ibang streaming platforms sa kasunduan at pangakong ito na magprodus ng mga palabas na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pinoy – ang numero unong prayoridad ng iWant bilang ang unang Pinoy streaming platform. Bukod sa paghahandog ng de-kalidad na entertainment, layunin naming makapili at makapanood ang bawat miyembro ng pamilya ng video content sa iWant na naaayon sa kanilang kagustuhan.”
Binuo ang Content Code noong 2017 at opisyal na inilabas noong Hunyo 2018. Isa itong dokumentong nagbabalangkas ng mga panuntunang sinisigurado sa buong ASEAN region ang pagmamalasakit ng online streaming services sa kanilang users sa pamamagitan ng paglikha at pagprodus ng mga palabas na hindi lumalabag sa copyright at hindi isinusulong ang pornorapiya, karahasan, terorismo, at diskriminasyon. Layunin din ng Content Code na protektahan ang mga menor de edad mula sa pagkakaroon ng access sa mga hindi naaangkop at sensitibong palabas. Binibigyang kapangyarihan din nito ang mga user at kani-kanilang pamilya na pumili ng papanooring angkop sa kanilang mga pangangailangan, interes, at prinsipyo, at nagsisilbing protektahan ang mga streaming service laban sa pamimirata.
Pahayag naman ni Louis Boswell, ang CEO ng Asia Video Industry Association (AVIA), “We are delighted to welcome another Online Curated Content (OCC) provider signing up to the code. Self-regulation of this industry was first discussed in September 2017 at the ASEAN Telecom Regulators Council dialogue, as a way to create pan-ASEAN solutions. Putting in place a code which distinguishes legitimate, responsible content providers from pirated and user-generated-content platforms gives regulators confidence and consumers control. We are glad to see the momentum of adoption across the region and look forward to seeing more companies join us in this commitment.”
Ang signing ng Content Code ay isinagawa sa pagitan ng iWant at AVIA noong Miyerkules (Agosto 28) at nasaksihan ng partners mula sa Netflix, ang Asia Pacific public policy manager nitong si Alex Long; iflix, ang country manager nitong si Sherwin Dela Cruz; HOOQ, ang country manager nitong si Sheila Paul at ang director of content and programming nitong si Jeff Remigio; at ang AVIA policy and research director na si Clare Bloomfield.
Ang iWant ang may pinakamalaking kolesyon ng Pinoy movies, shows, at live events, at naglalabas ng original movies at series kada buwan mula nang inilunsad ito noong Nobyembre 2018 – patunay na unti-unti nitong binabago ang Filipino entertainment landscape sa larangan ng pagpoprodus ng digital content. Sa ngayon, mayroon na itong 3.8 million app downloads at 13 milyong subscribers.