News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, 20M na ang YouTube subscribers sa YouTube, umani pa ng Gold at Silver awards para sa 44 na channels

August 30, 2019 AT 01 : 26 PM

Reaping Gold and Silver Creator Awards for 44 other YouTube channels…

Parami nang paraming Pinoy ang nakatutok at nanonood ng balita, mga palabas, at mga paborito nilang Kapamilya stars online dahil umabot na sa higit sa 20 milyong Kapamilya ang naka-subscribe sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel —doble sa naitala nito noong nakaraang taon na naging dahilan sa makasaysayang pagkilala rito bilang kauna-unahang channel sa bansa na nagkamit ng 10 milyong subscribers.

Matapos itong gawaran noong 2018 ng YouTube ng Diamond Creator Award, na ibinibigay sa mga channel na may sampung milyong subscribers, ito na ang pangalawang most subscribed channel sa Southeast Asia kasunod ng Thai TV network na Workpoint. Bukod naman sa pagiging numero unong YouTube channel sa loob ng bansa, nakapasok na rin ang ABS-CBN Entertainment YouTube channel sa Top 50 most viewed YouTube channels sa buong mundo.

“Lubos ang pasasalamat namin sa 20 milyong Kapamilya na nakagawian nang araw-arawin ang panonood ng iba’t ibang uri ng content na inilalabas namin sa YouTube. Patunay lamang itong patuloy nilang sinusubaybayan ang aming mga programa, pelikula, Kapamilya stars, at sari-saring videos hindi lang sa TV, kundi pati na sa aming online platforms. Gagawin namin itong inspirasyon sa pagpoprodus pa ng videos na gusto nilang panoorin at ulit-ulitin,” pahayag ni Elaine Uy-Casipit, ang head ng ABS-CBN digital media division.

Nitong Agosto 30, mayroon nang 21.2 milyong subscribers ang naturang channel.

Patunay rin na makabuluhan, nakaaaliw, at nakapupukaw ng damdamin ang videos ng 44 Kapamilya YouTube channels na nakatanggap na ng Gold Creator Award, na binibigay sa mga channel na nakapagtala ng isang milyong subcribers, pati na Silver Creator Award, para naman sa mga channel na may higit sa 100,000 subscribers.

ABS-CBN din ang nagmamay-ari ng ikalimang most subscribed channel sa bansa na ABS-CBN News, na ngayon ay nagtatala na ng 6.8 milyong subscribers at higit sa 4 bilyong views. Kasali rin sa top channels ng ABS-CBN ang Star Music (3.6 million subscribers), “Pinoy Big Brother” (3.2 million), Star Cinema (2 million), “Pilipinas Got Talent” (1.7 million), “The Voice Kids Philippines” (1.7 million), ang katatapos lang na “Idol Philippines” (1.4 million), at The Gold Squad (1 million)—na nakamit na ang Gold YouTube Creator Award na iginagawad sa mga channel na nagtala ng higit sa isang milyong subscribers.

Humakot naman ng Silver YouTube Creator Awards ang Kapamilya talent-reality, game, at variety shows tulad ng “The Voice of the Philippines,” “Little Big Shots,” “Your Face Sounds Familiar,” “The Voice Teens,” “I Can See Your Voice,” “World of Dance Philippines,” “Minute to Win It” at “It’s Showtime” sa paglagpas ng mga ito ng 100,000 subscribers.

Nasa Silver rank na rin ang ibang ABS-CBN channels na naghahatid ng mga balita, musika, pelikula, palabas, at updates tungkol sa Kapamilya stars tulad ng ABS-CBN News Channel (ANC Alerts), ABS-CBN Sports, Cinema One, Jeepney TV, Metro.Style, MOR 101.9 For Life!, MYX Philippines, The Filipino Channel, One Music PH, TNT Versions, Star Magic, Adober Studios, at iWant.

May Silver YouTube Creator Awards na rin ang channels na Alex Gonzaga (Music), Daniel Padilla (Music), Momshie Karla Estrada, Morisette, at Vice Ganda na naghahatid ng saya sa iba’t ibang Kapamilya netizens.

Pinapatunayan lamang ng pangunguna ng ABS-CBN sa YouTube na unti-unti nang nagiging isang digital company ang ABS-CBN dahil sa patuloy na paglawak ng online presence nito at pagdami ng digital properties.

Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.