News Releases

English | Tagalog

Mga batang naligtas ng Bantay Bata 163 ng children's village nangangarap makatapos ng pag-aaral

August 30, 2019 AT 11 : 53 AM

Walong taon nang naninirahan sa lansangan si Jasmine Tabuan at walo nitong kapatid. Kaya naman nang mapadpad siya sa Bantay Bata 163 Children’s Village, nakahanap siya ng paraiso.
 
“Minsan po 'yong mga kaibigan ko po, pinapatulog po ako sa mga bahay nila, tapos sinasama ko po 'yung kapatid ko na maliit," pagbabahagi ng dalaga.
 
Ngunit ang makapag-aral ang tangi niyang pangarap.
 
"Sabi ko nga po sa Papa ko, 'Saka niyo na ako kunin kapag nagpasundo na po ako. Kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral,'" dagdag ni Jasmine.
 
Sa kasalukyan, naghahanap ng scholarship grant ang Bantay Bata 163 para kay Jasmine.
 
Ang tatay nitong si Lope na binubuhay ang pamilya sa pagtra-tricylce ay nahihirapan mabigyan ang pamilya ng isang tahanan. Isang local barangay staff ang tumutulong sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya.
 
Sa Children’s Village ng Bantay Bata 163, puno ang araw ni Jasmine at mga kapatid ng activities na makakatulong sa kanilang social at emotional development. Ang kanilang araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain ay ibinibigay din.
 
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, may 250,000 na batang tumitira sa mga lansangan ng Metro Manila.
 
Simula nang itinatag ng yumaong ABS-CBN Foundation founder na si Gina Lopez ang Bantay Bata 163 noong 1997, layunin nito ang mabigyan ang mga inabuso at inabandonang bata ng maayos at masayang tirahan. Lumawak na din ang serbisyo ng naturang social welfare program sa apat na sangay –Bantay Proteksyon, Bantay Edukasyon, Bantay Kalusugan, at Bantay Pamilya.
 
Sa nalalapit na ABS-CBN Ball na mangyayari ngayong Setyembre 14, ang mga kagaya ni Jasmine ay mabibigyan pang-asa sa Bantay Edukasyon, ang tanging beneficiary ng nasabing event.