News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN News, naglunsad ng News App para sa mga Pilipino

August 05, 2019 AT 11 : 13 AM

The app, which is now available for free on Android and iOs phones, aims to make it easier and more convenient for Filipinos to be abreast on the topics and issues that matter to them with features like alerts whenever there is breaking news or a big news event is being streamed live via the app.

Maiinit na balita, agad-agad makukuha
 

Mabilis at mas madali nang makukuha ng mga Pilipino ang mga pinakamainit na balita anumang oras at saan man sila sa paglulunsad ng ABS-CBN News ng bagong app.

Libre sa Android at iOs phones ang ABS-CBN News App na nagpapadala ng alerts sa gumagamit tuwing may bagong dating na balita o kaya ay may livestreaming ng mahahalagang pangyayari sa bansa.

Maliban sa mga report mula sa buong pwersa ng ABS-CBN News kabilang ang ABS-CBN, ABS-CBN News Channel (ANC), DZMM, ABS-CBN Regional, news.abs-cbn.com, at Patrol.ph, abot-kamay din sa app ang mga balita sa DZMM Radyo Patrol sa pamamagitan ng audio streaming.

Ayon kay ABS-CBN Integrated News at Current Affairs head Ging Reyes, isang bahagi lamang ang ABS-CBN News App ng patuloy na ebolusyon ng news organization upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng mga Pilipino na sa online na rin kumakalap ng balita.

“Gusto naming tulungan ang mga Pilipino sa kanilang araw-araw na pamumuhay sa pamamagitan ng paghahatid sa kanila ng mga balita at impormasyon na may kredibilidad para na rin makalahok sila sa mga isyu sa lipunan at bansa,” aniya.

Gamit ang ABS-CBN News App, maaaring piliin kung anong klaseng mga balita o video ang nais makita ng gagamit. Magkakaroon din ito ng “Report” feature kung saan maaaring ipadala ang mga impormasyon, larawan, o video ng anumang anomalya o isyung naobserbahan ng mga Pilipino sa kanilang komundidad.

Sa paglalabas ng ABS-CBN News App, patuloy na nagagamit ng ABS-CBN News ang teknolohiya para maabot ang mga tao at malabanan ang pagkalat ng maling impormasyon o fake news. Sa kasalukuyan, mayroon ang ABS-CBN News na 17 milyong followers sa Facebook, 6.2 milyong followers sa Twitter, at 6.6 milyong subscribers sa YouTube. Isa rin ang ABS-CBN News website (news.abs-cbn.com) sa pinakasikat na websites sa bansa. Kamakailan lang ay nagsimulang gumawa at magpalabas ng maiikli pero siksik sa impormasyon na mga video ang ABS-CBN News sa ilalim ng brand na NXT para sa digital audience.

Ang ABS-CBN News App ay kabilang sa mga proyekto ng nangungunang media at entertainment company ng bansa na isa na ring digital company na may pinakamalawak na presensya sa online sa mga media sa Pilipinas at may dumaraming digital properties.

Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNNews sa Facebook, Youtube, Twitter, at Instagram, o pumunta sa news.abs-cbn.com. Para sa updates i-follow ang @ABSCBNpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.