News Releases

English | Tagalog

Pag-arangkada ng blind auditions sa bagong "The Voice Kids," tinutukan sa TV at online

August 05, 2019 AT 03 : 11 PM

Viewers anticipated and tuned in to the return of “The Voice Kids” as its original superstar coaches spinned their red chairs once again for astonishing young artists in its newest season.

Pagkatapos ng dalawang taong pamamahinga ng “The Voice,” inabangan at tinutukan ng mga manononood sa buong bansa ang muling pag-ikot ng mga upuan ng tatlong orihinal na superstar coaches nito at pagbibida ng mga panlabang boses ng kabataan sa pagsisimula ng ikaapat na season ng “The Voice Kids” noong weekend.

 

Naaliw ang buong bansa sa kulitan at agawan ng young artists ng coaches na sina Sarah Geronimo, Bamboo, at Lea Salonga kung kaya’t nagkamit ang “The Voice Kids” sa pagsisimula nito noong Sabado (Agosto 3) ng national TV rating na 34.8% o higit sa doble ng 15.3% ng “Starstruck,” ayon sa datos ng Kantar Media.

 

Muli rin itong naghari noong Linggo (Agosto 4) sa pagtutuloy-tuloy ng blind auditions at pagkuha ng kanya-kanyang pambato ng coaches at nagtala naman ng national TV rating na 35.5%, at muling tinalo ang 13.7% ng katapat ng programa.

 

Gaya ng lahat ng seasons ng “The Voice” sa bansa, maigi rin itong inabangan online at nakakuha ng libo-libong views sa parehong YouTube at Facebook. Pinag-usapan din ito sa buong mundo at nag-trend pa ang hashtags nitong #VoiceKidsS4 at #TVKisBACK sa Twitter, pati na sina coach Lea, Bamboo, at Sarah at ang mga artist na sumabak sa blind auditions.

 

Sa pagtatapos ng unang yugto ng blind auditions, nakuha ni coach Sarah ang rakistang bulilit na si Ramjean, ang bibo kid na si Amierr, at ang biriterong three-chair turner na si Vanjoss.

 

Dalawang babaeng power belters naman ang nakuha ni coach Bamboo sa Kamp Kawayan na sa ngayon ay kinabibilangan nina Tiffany at Lovelyn.

 

Pagdating naman sa FamiLea, matagumpay na napasama ni coach Lea ang unang three-chair turner ng season na si Alexa, isang batang theater actress.

 

Sa bagong season ng pinakamalaking entablado para sa mga kabataang boses ang panlaban, maaaring kumuha ng kahit ilang young artists ang tatlong coaches sa blind auditions. Kaabang-abang din ang “steal deals,” ang bagong pakulo ngayong season na matutunghayan sa susunod pang rounds.

 

Simula pa lang ng pagpapamalas ng mga bulilit ng matinding bosesan at tuloy-tuloy pa rin ang mapusong kwentuhan at masayang kulitan kada linggo sa pangunguna rin ng hosts na sina Toni Gonzaga at Robi Domingo.

 

Patuloy na subaybayan ang “The Voice Kids,” kung saan pangarap ang puhunan at boses ng bulilit ang labanan kada Sabado at Linggo sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Panoorin din ang episodes nito sa iWant app (Android at iOS) o iwant.ph. Para naman sa updates, i-like ang www.facebook.com/TheVoiceABSCBN, sundan ang @TheVoiceABSCBN sa Twitter o @abscbnthevoice sa Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/ TheVoiceKidsABSCBN.