News Releases

English | Tagalog

Pampamilyang kwento ng "Pamilya Ko," mainit na tinanggap ng mas maraming tahanan

September 11, 2019 AT 12 : 20 PM

Agad na minahal ng mga manonood ang masaya at matamis na samahan ng pamilya Mabunga kaya naman nanguna ang pilot episode ng “Pamilya Ko” sa national TV ratings at naging top trending topic sa Twitter noong Lunes (Setyembre 9).

Umiikot ang kwento ng seryeng pinagbibidahan nina JM De Guzman, Kiko Estrada, Jairus Aquino, Maris Racal, Kira Balinger, Mutya Orquia, Raikko Mateo, Joey Marquez, at Sylvia Sanchez sa buhay ng pamilya Mabunga na haharap sa matitinding pagsubok sa isa-isang pagsulpot ng mga sekretong susukat sa kanilang tibay bilang pamilya. Pinanood ng mas maraming Pilipino ang unang episode nito at nagkamit ng national TV rating na 18.3%, kumpara sa “Wowowin” (15.8%), ayon sa datos ng Kantar Media.

Hindi rin nakapagpigil ang netizens na ibahagi ang kanilang papuri para sa serye.

“Kahit nasa bus ako pinanood ko ang ‘Pamilya Ko.’ Medyo hindi maganda ang signal pero pinilit ko talaga panoorin. Umpisa palang pero nakakadala na ang mga eksena,” sabi ng Twitter user na si @caroldeguzmanr1.

“Finally! There's a series that is worthy to watch. Something that I could recommend to my students. I have a new reason to rush home every after class. Walang tapon! Napakahusay,” tweet naman ni @angpekyulyar.

"Sylvia Sanchez is a gem. Walang kupas. Perfect fit for the series. I love it,” papuri ni @radadvinculaph.

Samantala, isang pagsubok ang agad na hinarap ng buong pamilya matapos mag-away sina Chico (JM De Guzman) at Beri (Kiko Estrada) dahil sa paninigarilyo ng huli, dahilan para magalit si Luz (Sylvia Sanchez) kay Chico dahil sa pagpatol sa nakababatang kapatid.

Hindi napigilan ni Lola Caring na ipagtanggol si Chico, at sinumbat kay Luz kung bakit malayo ang loob niya sa anak: si Chico ang sinisisi ni Luz sa pagkamatay ng isa niya pang anak na si Jack.

Malampasan pa nga kaya nila ang masakit na trahedya ng nakaraan? Ano pa nga bang problema ang haharapin ng kanilang pamilya?

Panoorin ang kwento ng “Pamilya Ko” gabi-gabi sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow lang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).