The story of a policeman who used to be a Bantay Bata 163 scholar touched the hearts of viewers in the newest tribute video aired by ABS-CBN as part of its 65th anniversary celebration.
Isang pulis na dating iskolar ng Bantay Bata 163 ang muling nagpaluha sa mga manonood sa kanyang kwento ng pagpupursige at pag-asa na tampok sa bagong tribute video ng ABS-CBN para sa ika-65 na anibersaryo nito.
Nakasaksi ng malagim na krimen si Patrolman Mario Apatan noong bata pa siya sa Zamboanga Sibugay, kung saan muntikan nang mapatay ang kanyang Ate Maricel at naputulan ng dalawang braso. Sa kabila ng trahedya, nagpatuloy sa buhay ang kanyang pamilya. Ngunit kinalaunan ay kinailangan din niyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho bilang mangingisda.
Sa pagnanais na bumuti ang buhay, sumama siya sa kanyang ate sa Maynila, na noo’y gumagawa na ng pangalan bilang chef sa kabila ng kapansanan. Sa programang “Failon Ngayon,” itinampok ang kwento ni Maricel at dito niya nabanggit kay Ted Failon ang kapatid na nais mag-aral. Ipinasok ni Ted si Mario sa Bantay Edukasyon program ng Bantay Bata 163 at tinustusan ang pag-aaral nito ng BS Criminology. Kasalukuyan nang Police Officer 1 sa Camp Karingal si Mario at mayroon na ring sariling pamilya.
Kasama ang Bantay Bata 163 program director na si Jing Castañeda-Velasco, muling nagkita si Mario at si Ted sa ABS-CBN kung saan maluha-luha ang pulis na nagpasalamat sa taong tumulong sa kanyang abutin ang kanyang pangarap. “Pinatunayan ko po ‘yung sinabi niyo po na kaya ko. Pinursige ko pong maging pulis para hindi naman po masayang yung pagiging scholar ko sa Bantay Edukasyon,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa ABS-CBN, sa Bantay Bata 163 at sa mga social worker na gumabay sa kanya. “Sila po ‘yung pangalawang magulang ko, sila ‘yung naging daan para makapagaral ako. Walang katumbas ‘yung pasasalamat ko sa inyo,” aniya.
Ipinalabas ang kwento ni Mario kamakailan lang pagkatapos ng “TV Patrol.” Napapanood rin ito sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook, bilang isa sa mga “Kwentong Kapamilya” na ibinabahagi ng ABS-CBN sa pagdiriwang nito ng ika-65 nitong anibersaryo. Samantala, maraming pang mga bata sa Bantay Bata 163 na tulad ni Mario ay nais makapagtapos ng pag-aaral. Para sa mga interesadong tumulong at maging bahagi ng pagtupad ng kanilang pangarap, maaaring mag-donate sa pamamagitan ng pag-deposit sa BDO account ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya, Inc. - Bantay Edukasyon na may account number na 0056300-03284.