News Releases

English | Tagalog

Doktor, guro, OFW, Fil-Ams, at youth advocates, kinilala bilang makabagong mga bayani

September 13, 2019 AT 05 : 59 PM

The Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards is an annual search for ordinary Filipinos who have done extraordinary deeds that was envisioned by the late “Kapitan” Eugenio “Geny” Lopez Jr. to give the Filipino people real-life Filipino superheroes they can look up to and emulate.

ABS-CBN, pinarangalan ang bagong batch ng Pinoy heroes sa ika-15 Bayaning Pilipino Awards

Kung kabilang si Leon Caculitan sa isang grupo ng maraming tao, tiyak na hindi siya mapapansin dahil lagi lang siyang nakasuot ng simpleng polo at pants, pero ang kanyang busilak na puso ang tiyak na aagaw-pansin sa’yo.

Si Doc Leon ang tinaguriang Natatanging Bayani sa ika-15th Gawad Geny Lopez Jr. dahil sa paglaan niya ng oras para magsagawa ng libreng medical missions sa isla ng Palaui sa Cagayan simula noong 2014.

Hinihikayat din niya ang kanyang mga estudyante na sumali sa kanyang medical missions. At dahil nga sa limitadong access sa pangangalagang pangkalusugan, nagpatayo ng ospital sa isla si Doc Leon kasama ang ibang doktor at volunteers, ayon sa kanyang nominator na si Marfelle David, isang medical student. Sa ngayon, ramdam at lumaganap na ang medical missions ni Doc Leon sa Cagayan at ilang bahagi ng bansa.

Kinilala rin ng Bayaning Pilipino Awards ang public school teacher na si Gary Mosquito bilang Bayaning Gurong Pilipino ng taon. Nanguna si Gary sa giyera laban sa malnutrisyon sa kanilang paaralan sa Palo, Leyte sa pamamagitan ng “Gulayan sa Paaralan Program,” kung saan naghahain sila ng masusustansiyang pagkain sa mga mag-aaral. Dahil sa proyekto, gumanda ang academic performance ng kanilang mga estudyante at napuksa ang malnutrisyon.

Kahit sa ibayong dagat, mabubuting ehemplo rin ang mga kakabayan nating Pilipino.
 
Nariyan ang OFW photographer na si Brando Yonaha na pinangalanang Bayaning Pilipino Japan winner. Gamit ang kanyang talento sa pagkuha ng litrato, nakalikom ng pondo si Brando at mga kapwa photographers para bumili ng school supplies, gumawa ng e-library, at bumili ng pampasadang mga tricycle para sa benepisyo ng mga kabataan sa Zamboanga Sibugay, na isa lamang sa kanyang tanyag na mga proyekto.

Samantala, iginawad naman ang Bayaning Pilipino sa North America award sa Feed2Succeed, isang non-profit organization na itinatag ng magkapatid na Filipino-Americans na sina Caroline at Carmina Raquel, kasama ang kanilang kaibigan na si Tiffany Sato. 300 students na at 7 elementary schools ang na-adopt ng Feed2Succeed na nagbunga mula sa isang feeding program experience ng magkapatid sa Pilipinas.

Wala ring kinikilalang edad ang kabayanihan na pinatunayan ni Renny Boy Takyawan, ang Bayaning Kabataan nitong taon. Malaki ang naitulong ni Renny boy para mapagawan ng silid-aralan ang kanyang kapwa ka-tribu sa Saranggani para hindi na sila maglakad ng malayo para lamang makapag-aral.

Isa namang Bayaning Kabataan special citation ang ibinigay kay Mayrani Hassan ng Zamboanga Sibugay dahil sa kanyang pagtulong sa kanyang kapwa Pilipino noong Marawi siege.

Taon-taon, kinikilala ang mga makabagong bayani sa Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards para bigyang parangal ang mga ordinaryong Pilipinong gumagawa ng kamangha-manghang malasakit para sa kanilang kapwa.