News Releases

English | Tagalog

Dokyu tungkol sa mental health, tampok sa ABS-CBN Sunday's Best

September 19, 2019 AT 10 : 25 AM

Kung may nararamdaman tayo sa ating katawan, umiinom tayo ng gamot o kaya’y pumupunta sa pinakamalapit na ospital. Pero paano kung ang sakit ay hindi pisikal at nasa isipan? Ano ang dapat gawin?

Ito ang tanong na nais sagutin ng pinakabagong dokumentaryo ng ABS-CBN DocuCentral na pinamagatang “Invisible,” na tatalakay sa mga isyu sa mental health ngayong Linggo (Setyembre 22) sa “Sunday’s Best” pagkatapos ng “Gandang Gabi Vice” sa ABS-CBN.

Kadalasan, hindi pinag-uusapan ang mental health na naiuugnay sa kabaliwan, kakulangan sa paniniwala, o isang bagay na lilipas lang kung kaya ang mga dumaranas nito ay hindi sineseryoso o tinutulungan. Pinaniniwalaang umaabot sa 3.3 milyong mga Pilipino ang mayroong sakit nito, at karamihan sa kanila ay takot at hirap aminin ang karamdaman dahil baka mahusgahang mahina o nagpapansin lamang. At sa pagsasawalang-bahala sa mga sintomas, minsan nauuwi ang sakit na ito sa trahedya.

Sa dokumentaryong ito, bibigyang linaw ng ABS-CBN ang mga katanungan tungkol sa mental health sa tulong ng mga kwentong may dalang inspirasyon at pag-asa. Sa kabila nang malulungkot na balita tungkol sa mental health, mayroon ding mga indibidwal na matagumpay na hinarap at hinaharap ang kanilang karamdaman. Mayroon ding unti-unti nang nakakabangon mula sa pagkawala ng mahal sa buhay dahil sa suicide. Makikilala ng mga manonood sa dokyu sina Kikz Lazatin, isang ama na dumaranas ng anxiety at panic attacks; si Kate Atienza, isang yoga instructor na may bipolar disorder; at ang aktres na si Shamaine Buencamino, na humarap sa isang matinding sakuna sa kanilang pamilya noong 2015 nang kitilin ng anak niya ang sariling buhay.

Makikilala rin sa dokyu ang mga taong nangunguna sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mental health, sumusuporta sa mga may kondisyon sa isip, at nagsusulong ng batas na tumutugon sa problema ng bansa pagdating sa kalusugan ng ating mga isip.

Huwag palampasin ang dokumentaryo ng ABS-CBN DocuCentral tungkol sa mental health ngayong Linggo (Setyembre 22) sa “Sunday’s Best” pagkatapos ng “Gandang Gabi Vice.” Para sa mga update tungkol sa mga dokyu i-follow ang @DocuCentral sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE