News Releases

English | Tagalog

Dedikasyon ng mga sundalo sa "A Soldier's Heart" buong linggong tinutukan

January 28, 2020 AT 02 : 49 PM

Maraming Pilipino ang naantig sa makatotohanang kwento ng dedikasyon at kabayanihan ng mga sundalo sa “A Soldier’s Heart,” kaya naman nanguna sa national TV ratings sa unang linggo nito.

Ayon sa datos ng Kantar Media,  tinutukan mula Lunes (Enero 20) hanggang Biyernes (Enero 24) ang serye at nagtala ng pinakamataas na national TV rating nito na 19.8% noong pilot episode nito, kumpara sa katapat nito na “One of the Baes” (11.7%).

Namayagpag din online ang serye matapos itong umani ng sari-saring papuri mula sa netizens na humanga sa mga bidang sina Alex (Gerald Anderson), Elmer (Vin Abrenica), Benjie (Yves Flores), Abe (Carlo Aquino), Michael (Nash Aguas), Phil (Jerome Ponce), at Jethro (Elmo Magalona) na nakipagsapalaran para sa pangarap nilang maging sundalo.

“Thank you @RCDNarratives for creating this kind of show... maraming aral, marami kang matututunan at nagpapakita rito yung sakripisyo ng mga bayani nating sundalo, makabuluhan na serye,” sabi ng Twitter user na si @IMeowsYou. 

“Ang masasabi ko lang ay napakaganda nitong teleserye na ito. Kaya naman super tagal bago naipalabas dahil talaga namang pinaghandaan at pinag-isipan mabuti. Nag-research at talagang inaral nila lahat,” papuri naman ni @elmomags27.

“Nae-excite ako sa story nitong A Soldier's Heart. Pinapakita yung reasons at struggles ng bawat sundalo. Very realistic. Dumaan talaga sila sa totoong training,” komento naman ni @roanlangnaman.

Samantala, matinding rebelasyon agad ang matutunghayan ng mga manonood dahil magtatagpo na ang landas nina Alex at kanyang tunay na kapatid na si Saal (Sid Lucero) ngunit bilang magkalaban sa napipintong bakbakan ng mga sundalo at rebelde.

Ito na nga ba ang hinihintay na kasagutan ni Alex sa mga katanungan niya tungkol sa kanyang pagkatao?

Bukod sa “A Soldier’s Heart,” isa ring pamamaraan ng pagbibigay pugay ng ABS-CBN sa mga sundalo ang “Saludo sa Sundalong Pilipino,” isang public service event kung saan binibisita ng Kapamilya stars ang iba’t-ibang kampo upang pasalamatan ang katapangan at sakripisyo ng mga sundalo para ipagtanggol ang bayan.

Mula noong 2017, sampung “Saludo sa Sundalong Pilpino” events na ang naisagawa na umabot na mula Nueve Ecija hanggang Cagayan De Oro. Nito lamang Disyembre, naghandog ng masayang selebrasyon ang ilang bituin na pinangunahan nina Coco Martin, Gerald Anderson, at Regine Velasquez sa mga kampo ng Philippine Navy and the Philippine Air Force, and the Armed Forces of the Philippines kung saan nag-alay sila ng performances na kanilang inihandog para sa mga magigiting na sundalo.