News Releases

English | Tagalog

14 aspiring housemates sa "PBB Connect," byaheng pa-Manila na

November 25, 2020 AT 06 : 14 PM

The PBB fever continues to rise in anticipation for the return of “Pinoy Big Brother” after the show invited 14 aspiring housemates from the pool of auditionees in Kumu to travel to Manila for the next round of auditions.

“PBB Connect,” dinagsa ng higit sa 177k na aspiring housemates

 

Talagang dama na ang nalalapit na pagbubukas ng bahay ni Kuya dahil inimbitahan na ni Big Brother ang 14 na aspiring housemates mula sa libo-libong nag-audition sa Kumu na bumyahe patungong Manila para sa next round ng auditions.  

Nagsara ang online auditions ng “PBB Connect” noong Nobyembre 11 at kahit hindi pa nagsisimula ang bagong season, naging makasaysayan na ito  dahil umabot sa 177,524 na aspiring housemates ang ‘kumunect,’ nagpakatotoo, at nagpamalas ng kanilang talento para maging bahagi ng ika-siyam na season ng “PBB.”

Anim (6) sa 14 aspiring housemates na parating na ng Manila ang mula sa Luzon, isa (1) ang mula sa Visayas, apat (4) ang galing Mindanao, dalawa (2) naman ay taga-Metro Manila, at isa (1) ang mula sa ibang bansa. Kinse dapat ang kukumpleto sa housemates ni Kuya ngayong season, ngunit may hindi nagpatuloy. Kinakailangan nilang pumasa sa medical, psychological, at COVID exams upang maging ganap na housemate.

Ito na ang ang pinakamaraming audition entries na natanggap ng programa sa loob ng 15 taon, pero hindi dapat mawalan ng pag-asa ang iba pang nangangarap makapasok sa “PBB” dahil tuloy ang paghahanap ni Kuya ng housemates na kukumpleto sa “PBB Connect.” Pipili si Kuya mula sa mga nag-audition na ginagawa ang kanyang iba-ibang hamon sa pamamagitan ng pagla-livestream sa Kumu. 

Ito ang unang beses na buong proseso ng audition sa “PBB” ay ginanap online at eksklusibo sa Kumu. Dito rin sa livestreaming app na ito kumu-konek ang programa sa fans at aspiring housemates kasama ang mga host ngayong season na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Richard Juan, Kim Chiu, Melai Cantiveros, at Enchong Dee. 

 Ang “Pinoy Big Brother” ay tinaguriang ‘teleserye ng totoong buhay’ dahil sinasalamin nito ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng makukulay na kwento ng iba’t ibang housemates. Para subukin ang kanilang pagpapakatotoo, nagbibigay si Kuya ng iba’t ibang tasks o hamon na tiyak na magpapatatag at magpapabuti sa kanila bilang indibidwal at kapupulutan ng aral at inspirasyon ng mga manonood.

Hangarin naman ng ABS-CBN at ng Kumu na magbigay pag-asa at pagtibayin pa ang koneksyon ng mga Pilipino lalo na ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng “PBB Connect.”   

Ilan kaya ang magiging official housemates ni Kuya para sa “PBB Connect?” Abangan ‘yan sa “Pinoy Big Brother Connect” updates kasama ang online oppa ni Kuya na si Richard Juan sa “PBB” Facebook account (@pbbabscbntv) at Pinoy Big Brother YouTube channel araw-araw.

Subaybayan ang  mga paparating na ganap sa loob ng bahay ni Kuya na malapit nang mapanood sa Kumu, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Channel, at sa mga opisyal na social media account ng “PBB.”    

Para sa updates, bumisita lang sa https://app.kumu.ph/PBBabscbn, i-follow ang “PBB” sa Facebook (PBBABSCBNTV), Twitter (PBBABSCBN), at Instagram (PBBABSCBNTV), at mag-subscribe sa YouTube (Pinoy Big Brother). Para sa iba pang balita, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.