The digital greeting card can be given as a virtual gift this Yuletide season while the donation made will benefit families affected by the typhoons.
Mas magiging makabuluhan ang bawat pagbati ngayong Pasko dahil sa pamamagitan ng “Tulong e-Christmas Cards” ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI), makakapaghatid tayo ng liwanag at ligaya sa ating mahal sa buhay at maging sa mga Pilipinong nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa mga nagdaang bagyo.
Pwede ibigay ang digital card na ito bilang regalo ngayong Pasko at sa ganitong paraan, nakakapagabot na rin ng tulong sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng kalamidad.
Para makakuha nito, mag-donate lamang sa pamamagitan ng “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon P200.00 Donation Voucher” sa AFI flagship store sa Lazada app. Kapag nakumpira ang donasyon, matatanggap na ang “Tulong e-Christmas Card” sa pamamagitan ng app.
Simula naman bukas (Disyembre 4), makukuha na rin ito sa livestreaming app na Kumu. Manood lang sa livestream shows na ito: “Bawal Ma Stress Drilon” (Mondays, 8 pm); “Hanz Swerte, Hanz Saya” (MWF, 10 am), “Lakas Tawa” (MWF, 11 pm); “Umamin Ka Na” (Wednesdays, 7 pm); “Karerin Natin” (Thursdays, 10:30 am), Seen Zone (Mondays, 1 pm and MF, 10 pm), at iba pang livestreams sa FYE Channel.
I-click ang carousel, piliin ang Tulong-Tulong sa Pag-Ahon P200.00 Donation Voucher, at kumpletuhin ang transaksyon. Ipapadala ang Tulong e-Christmas Card kalakip ng confirmation email mula sa Kumu.
Bahagi ang proyektong ito ng “Tulong-Tulong Sa Pag-Ahon” public service campaign ng ABS-CBN Foundation na inilunsad noong Nobyembre. Layunin nitong makalikom ng pondo para sa isinasagawang relief operations ng Sagip Kapamilya sa mga lugar na nasalanta ng mga bagyong Quinta, Rolly, Siony, Tonyo, and Ulysses.
“Ang pagbibigay ng Christmas card ay isang simple pero magandang paraan upang ipaalam sa isang tao na inaalala mo siya. Ginawa pa natin itong mas makabuluhan dahil sa Tulong e-Christmas Card, hindi lamang ang tatanggap ng card ang mapapasaya. Isang pamilyang dumanas ng dilim at hirap rin ang mabibigyan ng liwanag at ligaya,” ani ABS-CBN Foundation managing director Susan Afan.
Tinatayang 800,000 na pamilya ang apektado ng magkakasunod na bagyo na nagdulot ng baha at pagkabaon sa putik ng iba-ibang lugar sa bansa. Tulad ng dati, isa ang Sagip Kapamilya sa agad na rumesponde at naghatid ng relief goods at mainit na pagkain sa mga biktima ng bagyo.
Nakarating na ito sa Aurora, Batangas, Bulacan, Cagayan, Isabela, Marikina, Pampanga, Rizal, Quezon City, at Makati pagkatapos ng Typhoon Ulysses, at sa Albay, Aurora, Batangas, Camarines Sur, Catanduanes, Nueva Ecija, Oriental Mindoro, at Quezon naman matapos ang Typhoon Rolly.
Makiisa sa pamamahagi ng liwanag at ligaya ngayong Pasko sa pamamagitan ng Tulong e-Christmas Cards na mabibili na sa Lazada sa lazada.com.ph/abs-cbn-foundation at Kumu. Para sa ibang impormasyon para makatulong, bisitahin ang abs-cbnfoundation.com, o i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook.