News Releases

English | Tagalog

Toni-John Lloyd at Maricel-Richard na digitally restored films kakikiligan ngayong Linggo

February 14, 2020 AT 01 : 42 PM

Kwento ng kilig at pag-ibig ang matutunghayan ngayong Valentine’s season dahil mapapanood na sa telebisyon ang digitally restored versions ng box-ffice hit na “My Amnesia Girl” at Filipino classic film na “Ikaw Pa Lang ang Minahal” ngayong Linggo (Pebrero 16).
 
Muling tunghayan ang kwento nina Apollo (John Lloyd Cruz) at Irene (Toni Gonzaga) sa “My Amnesia Girl,” kung saan nag-umpisa sila sa matamis na pagsasama ngunit nauwi sa mapait na hiwalayan nang biglang takbuhan ng binata ang kanilang kasal. Sa muli nilang pagtatagpo, sasabihin ni Irene na mayroon siyang amnesia at walang maalala sa namagitan sa kanila. Dito naman susubukan ni Apollo gawin ang lahat upang manumbalik ang kanilang pagmamahalan.
 
Wagas na pag-ibig naman ang mapapanood sa “Ikaw Pa Lang ang Minahal” ang kwento nina Adela (Maricel Soriano) at David (Richard Gomez) na magpapatunay na walang makahahadlang sa kanilang pagsasama, kahit pa mismo ang ama ng dalaga na gagawin ang lahat para lamang maghiwalay ang magkasintahan.
 
Ipapalabas ang “My Amnesia Girl” sa KB Family Weekend sa umaga, samantalang mapapanood naman sa Sunday’s Best ang “Ikaw Pa Lang ang Minahal” sa gabi.
 
Samantala, marami pang restored classics ang maaaring panoorin sa iba’t-ibang sinehan at events ngayong buwan ng Pebrero.
 
Mapapanood sa gaganaping Fringe Manila Festival ang LVN classics na “Ibong Adarna” (Pebrero 20, 6PM) at “Biyaya ng Lupa” (Pebrero 27, 6PM) sa Pineapple Lab, Poblacion. Sa darating naman na Art Fair Philippines ipapalabas ang “Misteryo sa Tuwa” (Pebrero 23, 5PM) sa The Link, Ayala Center Makati.
 
Bibisita rin ang ABS-CBN Film Restoration sa probinsya dahil mapapanood sa Cinema Rehiyon 12 ang “Ibong Adarna” (Pebrero 25, 7AM) sa SM City Naga cinema 4.
 
Para sa updates, i-follow lamang ang ABS-CBN Film Restoration sa Facebook (https://www.facebook.com/filmrestorationabscbn/), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).