News Releases

English | Tagalog

Kapatiran sa "A Soldier's Heart," aprubado sa mga sundalo

February 27, 2020 AT 02 : 05 PM

Sari-saring papuri ang natatanggap ng mahusay na pagganap ng mga bida ng “A Soldier’s Heart” gabi-gabi, at aprubado ito mismo sa ating mga sundalo.

Nakikita raw ng mga sundalong sina , Corporal Jovelyn Gonzaga, Captain Jeffrey Buada, at Staff Sergeant Joey De Guzman ang kanilang sarili sa mga karakter ng “A Soldier’s Heart” na gaya nila, ay matinding sakripisyo rin ang ibinibigay para sa bansa. Inilhad nila ito sa isang video kung saan hiningi ang kanilang reaksyon ukol sa serye.

Inalala ni Gonzaga ang naging karanasan niya sa pagpasok sa militar nang mapanood niya ang episode tungkol sa pinagdaanang training ng mga bida.

“For six months na training na 'yun, nandoon lahat. Na-experience mo 'yung hindi maligo ng tatlong araw. Gigising ka ng 4am, matutulog ka ng 10pm,” kwento ni Gonzaga. “Pero after noon sobrang worth it nung ginawa kasi mag-iiba talaga 'yung personality and perspective mo pagdating sa buhay.”

Halos maging emosyonal naman si De Guzman, isang battle casualty na naputulan ng kamay, nang mapanood ang eksena kung saan nasa gitna ng pakikipagbakbakan ang mga bida ng serye, dahil siya mismo ay nalagay na rin sa bingit ng kamatayan.

“Dito sa napanood ko sir, parang naalala ko 'yung nangyari sa amin sa parteng Jolo. Nagkabakbakan, hanggang sa natamaan ako. Naputol 'yung kaliwang kamay ko,” kwento niya. “(Pero) hindi hadlang yung kapansanan para lang makapagsilbi sa bayan. Tuloy pa rin ang buhay,” naiiyak na sabi ng sundalo.

Hindi naman mapigilang maalala ni Buada ang kasamahan niyang namayapa sa gitna ng pakikipaglaban matapos matunghayan ang pagkamatay ng karakter ni Ketchup Eusebio sa serye.

“Masakit sa akin na makita yung mga kasamahan namin na natutumba, tinatamaan. Tapos mababalitaan namin na hindi naka-survive. Every time na maaalala namin 'yun, nararamdaman ulit namin sakit,” paglalahad nito.

Samantala, patuloy namang kakapitan ng mga manonood ang matitinding bakbakan at emoysonal na tagpo sa “A Soldier’s Heart” sa pagsabak nina Alex (Gerald Anderson) at kanyang mga kasamahan sa una nilang misyon bilang opisyal na scout ranger. Paghihiganti naman ang mamamayani sa puso ni Yasmin (Irma Adlawan) sa muling pagtatagpo ng landas nila ni Minda (Mickey Ferriols), ang asawa ng sundalong si Dante (Rommel Padilla) na itinuturing ni Yasmin na sumira sa kanyang pamilya.

Paano nga kaya mapapanatili ng mga sundalo ang kapayapaan?

Panoorin ang “A Soldier’s Heart” tuwing gabi sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@absbncpr), at Instagram (@abscbnpr).