News Releases

English | Tagalog

Filipina na si Samantha Richelle, bibida sa international series ng ABS-CBN at Electric Entertainment na "Almost Paradise"

March 11, 2020 AT 04 : 08 PM

Patutunayan ng Filipina actress na si Samantha Richelle na walang bakabakang uurungan ang mga kakabaihan sa pagbida niya kasama ang American actor na si Christian Kane sa international series na line produced ng ABS-CBN na “Almost Paradise,” na mapapanood simula ngayong Marso 30 sa US cable channel na WGN America.
 
Gaganap si Samantha bilang si Kai Mendoza, isang babaeng pulis na sasabak sa iba’t-ibang misyon para patumbahin ang mga makapangyarihang sindikato ng droga.
 
“She can pretty much do it all. She is a tough cookie. She wants to constantly prove herself. In the end you'll get to see how we'll work together,” sabi ng babaeng bida nang ilarawan niya ang kanyang karakter.
 
Bukod sa pagiging aktres, isa ring sikat na fashion designer at influencer si Samantha na may sariling clothing line.  
 
Samantala, matutunghayan din sa “Almost Paradise” ang mga kilalang bituin gaya nina Arthur Acuña, Ces Quesada, Angeli Bayani, at Nonie Buencamino. Tunay na angat din ang talentong Pinoy sa palabas dahil mahigit 100 na Pilipinong aktor ang lumahok sa international series.

Umiikot ang kwento ng "Almost Paradise" kay Alex Walker, isang dating Drug Enforcement Administration undercover agent na napilitang mag-early retirement dahil sa matinding hypertension na maaari niyang ikamatay. Lumipad siya sa isang isla para makaiwas sa gulo, ngunit ang hindi niya alam, makakasagupa niya rito ang iba't-ibang sindikato na maglalagay sa buhay niya sa panganib.

Noong 2019, opisyal nang pinasok ng ABS-CBN International Production and Co-Production Hollywood production sa pagpirma nito ng partnership sa Electric Entertainment para mag-line produce sa “Almost Paradise.” Pinamumunuan ng Hollywood producer na si Dean Devlin, na nag-produce ng mga pelikulang “Godzilla,” “Independence Day,” at “The Patriot,” ang Electric Entertainment ang siyang nasa likod ng sikat na television series na “The Librarians” at “Leverage.”