Mapapanood nang muli ang tambalan nina Aga Muhlach at Claudine Barretto sa big screen dahil pambungad ang digitally restored version ng pelikula nilang “Kailangan Kita” sa “Weekend Cinema Classics” ng ABS-CBN Film Restoration na mag-uumpisa ngayong Sabado (Marso 13) sa Greenbelt 1 Cinema 1.
Nagkwento rin ang cinematographer na si Shayne Sarte, na nanalo ng Gawad Urian para sa pelikula, at ang creative assistant ng pelikula na si Temi Abad na parehong itinuturing na isa sa pinakamagandang proyektong nagawa nila ang “Kailangan Kita.”
“It’s the most cinematic set that I’ve ever worked on. Life changing ‘yung experience. We worked for eight months. So we became close na talaga,” sabi ni Shayne. Dagdag naman ni Temi, “My fondest memory sa film is ‘yung pagkain. Every time na pack up na ‘yung shoot, may feast. I’m just proud of this film. I think it is the best I’ve done as part of the creatives of Star Cinema,” sinabi ni Sarte sa ginanap na red carpet premiere ng restored version ng pelikula noong Martes (Marso 10).
Idinirek ni Rory B. Quintos, umiikot ang kwento ng “Kailangan Kita” kina Carl (Aga) at Lena (Claudine), dalawang taong may magkaibang mundo ngunit pinagtagpo ng kanilang hilig sa pagluluto. Unti-unting mabubuo ang pag-ibig sa pagitan nila ngunit hindi ito magiging madali dahil hahadlang sa kanila si Chrissy — ang tunay na nobya ni Carl.
Bukod naman sa pag-uwi ng Best Cinematography mula sa Gawad Uwiran, humakot ng sari-saring pagkilala ang 2002 film matapos itong magkamit ng Best Screenplay, Best Story, Best Production Design, at Best Movie Theme Song sa FAMAS Awards.
Sa ilalim ng pakikipagtulungan sa Ayala Malls Cinema, iba’t-ibang restored classics ang mapapanood sa “Weekend Cinema Classics” kada Biyernes at Sabado simula ngayong Marso 13 hanggang Abril 4 sa Greenbelt 1 Cinema 1. Kasama dito ang “Kung Mangarap Ka't Magising,” “Sana Maulit Muli,” “Labs Kita… Okey Ka Lang?,” “Eskapo,” “Misteryo sa Tuwa,” “Karnal,” “Minsa'y Isang Gamu-Gamo,” “High School Scandal,” “Saan Ka Man Naroroon,” “Mga Bilanggong Birhen,” “Omeng Satanasia,” “Tisoy!,” “Bulaklak Sa City Jail,” at “Moral.”
Mabibili ang tickets sa halagang P180, samantalang P150 naman para sa mga estudyante.
Para sa updates, i-follow lamang ang ABS-CBN Film Restoration sa Facebook (
https://www.facebook.com/filmrestorationabscbn/), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).