News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, inilunsad Ang “Pantawid ng Pag-ibig” para maghatid ng pagkain sa mga Pilipinong apektado ng community quarantine

March 20, 2020 AT 04 : 04 PM

ABS-CBN launched the “Pantawid ng Pag-ibig” fund-raising campaign in partnership with local government officials in Metro Manila and private companies to provide food and basic necessities to Filipinos greatly affected by the enhanced community quarantine.

Lopez Group, nagbigay ng P100 milyong donasyon sa kampanya 


Inilunsad ng ABS-CBN noong Marso 19 ang “Pantawid ng Pag-ibig” fund-raising campaign kaisa ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila at mga pribadong kumpanya upang makapaghatid ng pagkain at mga kakailanganin sa araw-araw sa mga Pilipinong lubos na naaapektuhan ng community quarantine sa Metro Manila.
 
Sa gitna ng apila ng gobyerno sa publiko na manatili sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng virus, maraming Pilipino ang hindi makapagtrabaho o makapag-hanapbuhay para matustusan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
 
Sabi ng presidente at CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak, “Hangad po namin na walang magugutom sa panahong ito. Tulad sa lahat ng ating mga pinagdaanan, ang magliligtas sa atin ay ang pagmamahal sa isa’t isa.”
 
Sa “Pantawid ng Pag-ibig,” gagamitin ng ABS-CBN ang malilikom na donasyon sa pagbili ng pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya. Apat sa kumpanyang nangakong magsusuplay ng kanilang mga produkto para sa relief packages ay ang Century Canning Corporation, Suy Sing Commercial Corporation, Republic Biscuit Corporation, at ang Lucio Tan Group.
 
Ang mga produktong ito ay ipapasa sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.  Bawat isa sa 17 mayor dito ang mangunguna sa paghahanda at pamamahagi ng relief packages sa kanilang mga kababayang kailangan ng tulong.
 
Nagpahayag naman ng suporta sa kampanyang ito ang dalawa sa pinakamalaking bituin sa network. Pahayag ng premyadong aktres na si Angel Locsin, “Alam ko na hindi kayo mauubusan ng kabutihan kaya ibuhos po natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa.”
 
Dagdag naman ng pangunahing aktor at direktor ng “FPJ’s Ang Probinsyano” na si Coco Martin, “Hindi po natin alam kung hanggang kailan matatapos ang matinding pagsubok na ito. Nang dahil sa ating kabutihan at kabayanihan, sigurado pong malalagpasan din natin ang lahat ng ito dahil po ang lahat ng pamilyang Pilipino ay hindi nagiiwanan,” aniya.
 
Ayon kay Katigbak, nanguna na ang Lopez Group of Companies sa pagbibigay ng tulong sa kanilang P100 milyong donasyon sa “Pantawid ng Pag-ibig.” Sa tulong at suporta mula sa publiko at pribadong sektor, at sa patuloy na pagtitiwala at pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan, umaasa ang ABS-CBN na mapalawig pa ang serbisyo nito sa labas ng Metro Manila, kung saan marami rin ang nahihirapan at humihingi ng tulong. 
 
Ang mga nais tumulong ay maaaring mag-deposito ng cash donation sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts sa BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, BDO peso account 0039301-14199, at BDO dollar account 1039300-81622.

 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE