News Releases

English | Tagalog

Panonood ng libreng pelikula sa iWant, tumaas ng 300 porsyento

March 26, 2020 AT 01 : 39 PM

Filipinos are spending more time consuming movies on iWant, which made more than 1,000 movies available for free to its users.

Patok ang regalong libreng 1,000 pelikula sa iWant ng ABS-CBN.  Triple ang itinaas ng panonood o views nito noong nakaraang linggo kung kailan nasa bahay lang mga tao sa Luzon dahil sa enhanced community quarantine.

Mula Marso 15 hanggang 21, ang limang pinakapinanood na mga pelikula sa iWant ang “Exes Baggage,” “She’s Dating the Gangster,” “Fantastica,” “Four Sisters and a Wedding,” at “Barcelona: A Love Untold.”

Maging ang original movies at series ng iWant ay nakapagtala rin ng 45% na pagtaas sa bilang ng views sa parehong linggo. Sa mga ito, kumalap ng pinakamaraming views ang “I Am U” ni Julia Barretto, “Fluid” ni Roxanne Barcelo, “Sunday Night Fever” nina Nathalie Hart at Diether Ocampo, “The Tapes” nina Sam Milby at Yassi Pressman, at “Hush.”

Libo-libong users din ang dumagsa sa DZMM Teleradyo sa iWant upang makakuha ng balita kaugnay ang COVID-19.

Habang dumarami ang gumagamit ng iWant, sinuportahan din nito ang panawagan ng gobyerno na tulungang panatilihin ang maayos na internet sa bansa para mas maraming tao ang makinabang.

Binabaan ng iWant ng 33% ang kalidad ng bidyo at tiniyak na hindi maapektuhan ang mga manonood.

“Suportado namin ang panawagan ng National Telecommunications Commission na tiyaking maayos ang internet sa bansa.  Tinitiyak namin ang aming mga viewer na patuloy nilang mae-enjoy ang panonood at hindi mararamdaman ang pagbabagong ito sa patuloy naming paghahatid ng impormasyon at saya sa mga Pilipino,” sabi ng iWant.

Ang iWant ang natatanging streaming service sa bansa na may pinakamalaking koleksyon ng Pinoy video content. Mayroon itong original shows at movies, pelikula, serye, dokumentaryo, live events, at restored versions ng movie classics na maaaring i-stream. 

Upang maanood ang higit 1,000 na mga pelikula nang libre, i-download ang iWant app sa iOs o Android, o kaya mag-log in sa iwant.ph.