The P100 million is part of the P285.3 million raised by ABS-CBN as of March 26, to help people who have lost their sources of income or livelihood due to the quarantine implemented by the government to prevent the spread of COVID-19.
Mga 200,000 o higit pang pamilya, tatanggap na ng ayuda
Tinatayang 200,000 pamilya o higit pa sa Metro Manila ang tatanggap ng pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw mula sa “Pantawid ng Pag-ibig” ng ABS-CBN. Ihahatid ng network ngayong Sabado at Linggo sa 16 na lokal na pamahalaan ang mga produktong nagkakahalaga ng P100 milyon, na binili gamit ang mga donasyong nakalap mula sa mga Pilipino sa buong mundo.
Ang mga local government unit (LGUs) ang maghahanda at magdadala ng relief packages sa bahay ng mga Pilipinong walang kita at hanapbuhay dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon.
Bahagi ang P100 milyon sa nalikom na donasyon ng ABS-CBN na umabot na sa P285.3 milyon noong Marso 26, para sa mga lubos na naapektuhan ng quarantine para matigil ang pagkalat ng COVID-19.
Nagpasalamat ang Kapamilya network sa lahat ng donor, maging sa mga pribadong kumpanya na siniguradong may stock ng kanilang produkto para sa “Pantawid ng Pag-ibig.” Kabilang dito ang bigas, delata, noodles, biskwit, gatas, kape, shampoo, sabon, detergent, at bitamina.
Malaking bahagi rin ang ginagampanan ng Armed Forces of the Philippines, Air 21, at Entrego, na siyang kumukuha ng mga produkto mula sa warehouse ng ABS-CBN at naghahatid sa iba-ibang LGUs.
Dumagsa ang mga donasyon noong Marso 22 sa ginanap na “Pantawid ng Pag-ibig: At-Home Together Concert” kung saan mahigit sa 100 Kapamilya artists ang nag-alay ng mga awitin, vlog, mensahe, at dasal para sa ating mga frontliner mula sa kani-kanilang tahanan. Inudyok din nila ang publiko na tumulong, habang pinanonood nila ang digital fund-raising concert sa iWant at iba pang online platforms ng ABS-CBN, maging sa TV sa ABS-CBN, S+A, ANC, MYX, DZMM TeleRadyo, at TFC, at sa radyo sa DZMM Radyo Patrol 630 at MOR 101.9.
Patuloy na nananawagan ang ABS-CBN sa publiko at mga korporasyon para sa donasyon sa layunin nitong maabot din ang ibang lugar sa labas ng Metro Manila kung saan marami pa sa ating mga kababayan ang nangangailangan.
Sa mga gusto tumulong, magdeposito lang sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts: BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, PNB peso account 1263-7000-4128, BDO peso account 0039301-14199, at BDO dollar account 1039300-81622.