News Releases

English | Tagalog

Hosts ng "It's Showtime," "Magandang Buhay" bumati nang live mula sa mga tahanan

March 27, 2020 AT 10 : 38 AM

Sinorpresa ng hosts ng “It’s Showtime” at momshies ng “Magandang Buhay” ang kanilang viewers noong Huwebes (Marso 26) at nag-live mula sa kani-kanilang bahay gamit ang isang video conferencing app.

Nagdala ng good vibes ang “It’s Showtime” hosts na sina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Direk Bobet Vidanes, Karylle, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, at ang bagong panganak na si Anne Curtis live mula sa Australia.

Sa unang kalahati ng programa na pinalabas gamit ang Zoom, nagkaroon ng pagkakataon maging bida ang madlang people matapos manalo ang dalawang pamilya mula sa Pampanga at Capiz ng tig-P15,000 sa pagsayaw nila sa “Corona Ba-Bye Na,” ang bagong single ni Vice.

Nagpasiklab din ang “It’s Showtime” family sa isang laro kung saan nag-unahan silang masagot ang mga katanungan ni Tiyang Amy. Nakaraang mga TNT performance naman ang ipinakita sa sumunod na kalahati ng programa.

Magkakaroon naman ng pagkakataon ang madlang people na makatulong kahit nasa bahay lang sila sa bagong segment ng programa na “Biyayanihan.” Kailangan lang nilang i-tag ang social media accounts ng “It’s Showtime” sa videos ng mga taong nagpapakita ng pagtulong sa kapwa sa kabila ng hirap ng buhay, at bilang sukli, bibigyan sila ng tulong ng programa upang maibsan ang kanilang mga pangangailangan.

Samantala, muli namang nagsama-sama sina Jolina Magdangal, Karla Estrada, at Melai Cantiveros sa maagang chikahan nila sa “Magandang Buhay.” Nakasama nila bilang guest si Alex Gonzaga na ikinuwento ang kanyang karanasan sa pag-pack ng relief goods, at si Pokwang na nagpakita ng mga simpleng putahe na maaaring gawin habang nasa bahay.

Nakausap din ng momshies ang public health expert na si Dr. Susan Mercado na nagbigay ng payo para makaiwas mula sa COVID-19, samantalang tungkol naman sa pananampalatay ang pinag-usapan nila kasama si Fr. Tito Caluag.

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN shows, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/asbcbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).