News Releases

English | Tagalog

Bagong digital shows na "PILIkula" at "MNL48 Presents," fans ang pipili sa gusto nilang bida at kwento

March 31, 2020 AT 12 : 15 PM

Boses ng fans ang mamamayani sa bagong digital shows ng ABS-CBN na “PILIkula” at “MNL48 Presents” dahil sila ang may kapangyarihang piliin ang gusto nilang maging mga bida at tatakbuhing kwento ng mga palabas.
 
Sa “PILIkula,” may kalayaan ang fans na pagdesisyunan ang takbo ng kwento dahil maaari nilang iboto ang kasunod na mga eksena ng bawat episode sa KUMU app (kumu.ph/starhunt) sa pagbigay ng clapper stickers sa mga ito. Ang eksenang makakakuha ng pinakamaraming stickers ang siyang ieere sa KUMU app sa susunod na araw. Magtutuloy ito hanggang sa mabuo ang kwento kada Biyernes, at ia-upload ang nabuong pelikula sa Facebook at YouTube ng Star Hunt, pati na rin sa KUMU app.
 
Para sa una nitong handog, natunghayan sa “Ghost of the Past,” na pinagbidahan nina Karina Bautista at Aljon Mendoza, ang kwento ni Amy (Karina Bautisa), isang student assistant na nakasabay sa pagko-commute ang dating niyang nobyong si Dani (Aljon) na bigla na lang niyang hindi kinausap sa loob ng tatlong buwan. Ini-upload ito noong Sabado (Marso 28).
 


Napapanood naman sa Facebook at YouTube channel ng MNL48 ang “MNL 48 Presents,” kung saan maaaring iboto ng fans ang nais nilang gumanap sa mga bidang karakter ng bawat episode.

 

Kada buwan, iaanunsyo sa social media accounts ng MNL48 ang magiging story of the month. Sa loob ng dalawang linggo, maaaring mangampanya ang bawat miyembro sa KUMU app para umani ng virtual gifts na magsisilbing boto mula sa kanilang fans. Ang top two oshis na makakakuha ng pinakamaraming diamonds ang tatanghaling mga bida ng episode.
 
Inilunsad na ang unang episode ng “MNL48 Presents” noong Huwebes (Marso 26), kung saan bumida sina Ecka Sibug at Sela Guia sa kwentong pinamagatang “2020 Vision.” Para naman sa susunod nitong handog, abangan ang kwento ng “I-dol” na iikot sa isang superfan na gagawa ng isang perpektong idol, ngunit hindi inaaasahang magdudulot ito ng problema.

 

Ang dalawang bagong online show ay kabilang sa digital initiatives ng ABS-CBN na patuloy sa pag-transition bilang isang digital company sa patuloy na paglawak ng presensya nito online at pagdami ng digital properties.
 
Para sa updates at ekslusibong videos, mag-login lamang sa KUMU app at i-follow ang MNL48 (@mnl48official) at Star Hunt (@starhuntabsbncbn).