Mas maraming Pilipino pa rin ang tumutok sa ABS-CBN sa buong buwan ng Pebrero matapos nitong magrehistro ng average audience share na 39%, o anim na puntos na lamang sa 33% ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.
Nagmula sa ABS-CBN ang mga pinakapinanonod na programa sa buong bansa, kasama ang nanatiling naghahari na “FPJ’s Ang Probinsyano” na nagkamit ng 34%.
Naging mainit naman ang pagsalubong mga manonood sa pagbabalik telebisyon ni Julia Montes matapos magrehistro ang “24/7” ng 27%.
Nanatili namang pinakapinanonod na newscast sa bansa ang “TV Patrol” (26.5%), habang tinutukan din ang matinding bakbakan ng contestants at coaches ng “The Voice Teens” (26.4%) na nagbukas ng bagong season nito noong Pebrero.
Patuloy namang kinakilagan ang kwento nina Billy (Liza Soberano) at Gabo (Enrique Gil) sa “Make It With You” (25.9%). Buong buwan ding kinaantigan ang mga kwentong hatid ng “MMK” (24.9%) at kinabiliban ang talento ng mga kalahok sa “Your Moment” (23.9%).
Nagtapos naman ang bangayan ng mga Mondragon sa hapon ng nangunguna sa timeslot nito matapos magkamit ang “Kadenang Ginto” ng 22%.
Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 na urban at rural homes.