News Releases

English | Tagalog

Music label na "Not So Famous," bagong adisyon sa ABS-CBN Music International

April 13, 2020 AT 12 : 02 PM

Pinangungunahan ni Young JV bilang label head…

Inilunsad ng ABS-CBN Music International ang urban pop and hip hop music label na “Not So Famous (NSF)” para sa mga papausbong na mang-aawit hindi lang mula sa Pilipinas kundi sa buong Asya.

Itinayo ng label head na si JV Kapunan o Young JV ang NSF noong isang taon para matulungan ang mga gustong maging recording artist na maabot ang pangarap nila at bilang pasasalamat na rin sa industriya. Nakipagsanib-pwersa siya sa ABS-CBN Music International para mag-produce ng musika na layuning maabot ang local at global audiences.

Sa ngayon, pinangungunahan na ng longtime recording artist ng Star Music na si Young JV ang mga mang-aawit sa ilalim ng Not So Famous, kasama sina Pau Palacio, Yeliee, at King Murph.

Noong Pebrero, inilabas ni Young JV ang kanta niyang “Close To Me,” na isinulat ng international hitmaker na si August Rigo, na siya ring nasa likod ng kanta ni Justin Bieber na “U Smile” at ng “Back To Sleep” ni Chris Brown.

Tungkol ang kanta sa pagsulit sa oras at kagustuhan na makasama ang iyong minamahal. Sa April 20 (Lunes), ilalabas na ang music video nito tampok si Diana Mackey.

Samantala, ilalabas naman ni Pau Palacio ang single niyang “Used To Do,” kasama ang American singer-songwriter na si Delly Flay. Si Flay din ang sumulat ng kanta kasama ang Canadian singer-songwriter na si Andrew Pederson.

Tinatalakay sa kanta ang pagsubok ng isang magkasintahan na ayusin ang lumalabo nilang relasyon sa pamamagitan ng paghahanap kung sino ba sila sa isa’t isa. Sa April 27 (Lunes) ilalabas ang music video nito.

Isa pang artist ng Not So Famous ay ang 22-year-old na si Yeliee, na kapatid ng aktres na si Lovi Poe. Isa rin siyang pastry chef at advocate ng mental health. Ang debut release niya na “Wave” ay tungkol sa pagbangon matapos dumaan sa mga dagok sa buhay.

Si King Murph naman ay isang singer-songwriter, dancer at choreographer na naging contestant ng “Asia’s Got Talent Malaysia” at nakapag-perform na rin sa iba’t ibang musical events gaya ng Paint Party Hip-Hop Festival at “1MX Manila” concert noong 2019. Ang sarili niyang komposisyon na “Lungkot” ay tungkol sa kalungkutang nararamdaman niya mula sa taong dating nagpapasaya sa kanya.

Panoorin sina Young JV, Pau, Yeliee, at King Murph sa “All Music: Artists At Home Sessions” sa April 16 (Huwebes), 8 pm sa Facebook page ng Star Music.

Abangan din ang upcoming single ni Pau na “Used To Do,” at pakinggan ang “Close To Me” ni Young JV, “Wave” ni Yeliee at “Lungkot” ni King Murph sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye tungkol sa NSF, i-follow ang @notsofamousph sa Instagram at Facebook. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.