News Releases

English | Tagalog

Charo, Ardy, Makiwander, at Ricky nagbigay-payo sa mga aspiring author

April 15, 2020 AT 11 : 07 AM

Aspiring book authors may still submit their sample works for Project Foreword until Monday (April 20)!

Para sa mga matagal nang nangangarap maging published author, may dagdag na dahilan ang ABS-CBN Books para magsulat. Pwede pang magsumite ng entries hanggang Lunes (April 20) para sa author search at mentorship program nito na “Project Foreword,” na pinangungunahan nina Charo Santos-Concio, Ardy Roberto, Makiwander, at Ricky Lee, at kasalukuyan ay mahigit 220 manunulat na ang sumali.
 
Nagbahagi ang “Project Foreword” mentors ng kani-kanilang payo para sa mga nagnanais maging book author noong media launch ng proyekto na ginanap noong Marso.
 
Ayon sa chief content officer ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio, pwedeng ma-train ang sarili sa pagsusulat mula sa mga nababasa o napapanood. "Limitado naman tayo sa mga librong nabasa natin, mga karanasan natin, sa mga kaibigan at pamilya na meron tayo," paliwanag niya. "Pero kapag nakabasa ka ng magandang libro, nakapanood ng magandang pelikula o nakapakinig ng magandang musika, napupunta ka sa ibang mundo at nakakakilala ka ng iba't ibang tao na may iba't ibang pinagmulan. Dito rin tayo natututo na magpahalaga at magkaroon ng simpatya para sa mga karakter na hindi lang sayo umiikot ang mundo."
 
Ang multi-awarded screenwriter, novelist, at playwright namang si Ricky Lee, pinaalalahanan ang mga aspiring writer na magtiwala sa sarili sa pagbahagi ng kwento. “Kung minsan yung iba sinasabi nila, 'Mataas ‘yan.' Magagawa mong popular yung libro, maski naman ano’ng subject matter, anong genre, magagawa mo ng paraan na mag-appeal siya sa mas malaking market. Hindi kinakailangang niche lang.”
 
Importante rin aniya ang paggawa ng mga istorya na may epekto sa mga tao. “Ang concept ko lagi sa mga workshops ko, lahat tayo broken na mga tao. So kung yung story kung naa-address nya yung brokenness ko at natutulungan ako na mabuo ako or kung broken pa rin yung story hanggang sa dulo, natutulungan nya ako na magkaroon ng strong desire na mabuo ako eventually then I think it's a great story."
 
Sang-ayon din ang inspirational speaker na si Ardy Roberto dito. “A good story should give readers hope. Mula sa broken world, o falled world, o sa isang mundo na puno ng disaster at gulo, pwede pa lang maging ganito. May pag-asa pa,” ayon sa “The Happy Entrepreneur” author.
 
Dagdag naman ng Wattpad published author na si Maki Kris de Luna Ogang o mas kilala bilang Makiwander, "Para sa akin, ini-impart ko sa kwento ko ang moral lesson ng story. Kahit anong kwento siya, kahit erotiko o romance siya, dapat meron tayong matututunan sa karakter. Hindi ka lang na-entertain, at the same time, may natutunan ka din."
 
Bisitahin ang noink.abs-cbn.com para sa mechanics ng “Project Foreword” at maaaring isumite ang entries sa books@abs-cbn.com. Para sa iba pang impormasyon sa programa, i-like ang ABS-CBN Books sa www.facebook.com/abscbnbooks at i-follow ito sa Instagram @abscbnbooks. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.