News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN nagbigay pugay sa makabagong bayani sa bagong music video

April 03, 2020 AT 05 : 01 PM

Sa oras ng pinakamatinding pagsubok, nabubuhay ang mga bayani sa puso ng bawat isa—ito ang napatunayan nang sama-samang pag-aksyon ng buong mundo sa pandemic na COVID-19.

Para bigyang pugay ang sakripisyo ng mga bagong bayani ng ating panahon at bigyan sila ng higit pang katatagan, ilulunsad ng ABS-CBN ang music video na "Pag-ibig Ang Hihilom sa Daigdig" sa TV Patrol ngayong Biyernes (Abril 3).

Ipinapakita rito kung paano tayo binibigyang lakas ng pag-ibig upang magwagi sa anumang pagsubok, gaano man kalaki ang hinaharap nating health crisis.

Tampok dito ang mga nakaaantig na eksena ng mga health worker at frontliner na walang pagod alagaan upang gumaling ang mga may sakit nang 'di alintana ang banta sa sarili nilang buhay.

Mapapanood rin dito ang mga ordinaryong mamamayan na naglalaan hindi lamang ng salapi ngunit pati na rin ng oras at pagod para protektahan ang ating mga frontliner at ang mga kababayang salat sa buhay.

Ipinakita rin ang mga opisyal na naglaan ng serbisyong higit sa kanilang katungkulan, mga indibidwal na nagpalakas ng loob sa mga frontliner, at kung paano binuklod ng pagdarasal at pananampalataya ang sangkatauhan. Ang mga eksenang ito'y naghahatid ng pag-asang kayang mapagtagumpayan ng mundo at COVID-19.

Ang liriko ng awitin ay sinulat nina Des Parawan, Robert Labayen at Lloyd Corpuz na siya ring kompositor ng musika kasama ni Raizo Chabeldin. Inawit ito nina Raizo Chabeldin at Biv de Vera. Pinangunahan ni Faith Zambrano-Pascual ang pagbuo ng music video, kasama ni Happy Adiova bilang lead producer. Kasama rin sina Christian Abuel, Des Parawan, Love De Leon at Nathan Perez bilang core group producers. Lead editor at lead motion graphics artist naman sina Celina Hidalgo at Karlo Victoriano.

Ang mga video at larawan ay mula sa iba't ibang mga organisasyon at indibidwal na kasama natin sa pakikipaglaban sa COVID-19.