The accusations have been asked and answered under oath by various government agencies as well as by ABS-CBN executives at the senate hearing last February 24.
Ikinagulat ng ABS-CBN ang mga akusasyong ibinato laban sa network sa ginanap na deliberasyon sa Kongreso para sa House Bill (HB) 6732, ang panukalang batas na nagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN. Ang mga alegasyong ito ay naitanong at nasagot na ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng mga opisyal ng ABS-CBN nang sila ay humarap sa senate hearing at sumumpang magsabi ng totoo noong Pebrero 24.
Sa nasabing pandinig, sinabi ng SEC, NTC, at BIR na walang nilabag ang ABS-CBN sa mga batas na may kinalaman sa kani-kanilang ahensya. Nagpahayag din sa isang panayam si DOLE Sec. Silvestre Bello III na sumusunod sa labor standards ang network. Hindi naman itinatanggi ng ABS-CBN na may mga kasong dinidinig pa sa hukuman laban sa network, pero sinisiguro nitong susundin nito ang anumang magiging desisyon ng awtoridad sa mga kasong ito.
Nasagot na rin sa Senado ang tanong sa pagiging Pilipino ni Ginoong Gabby Lopez. At panghuli, hindi rin totoong hindi kinilala ng ABS-CBN ang ginawang aksyon ng Kongreso kaugnay sa prangkisa nito. Agad na naglabas ng pahayag ng pasasalamat ang ABS-CBN noong ika-13 Mayo, o ang mismong araw na inihain ang panukalang batas sa Kongreso.
Ang mga nasabing akusasyon ay ginawa na wala man lang sinumiteng ebidensya upang patunayan ang bawat isa rito, at kung kailan walang pagkakataon ang ABS-CBN na sagutin ang mga ito. Aming ipinaabot sa publiko at mga empleyado na handa ang ABS-CBN sagutin ang mga alegasyong ito sa tamang lugar.