Natanggap na donasyon sa ‘Pantawid,’ umabot na sa higit P400 M
Naging malaking hamon sa local government units (LGUs) na mabigyan ng agarang tulong ang lahat ng mga pamilyang apektado sa ipinatupad na quarantine. Kaya naman nagpapasalamat ang ilang mga alkalde ng Metro Manila at karatig probinsya sa mga naging katuwang nito sa panahong ito, kabilang na ang “Pantawid ng Pag-ibig” ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation.
“Alam niyo sa ganitong pagkakataon, ‘yung private and public partnership katulad ng ginagawa ng ABS-CBN ay malaking tulong kasi siyempre hindi natin alam kung gaano pa katagal ito. Sa isang buwan marami tayong dapat pakainin at hindi kakayanin ng gobyerno lamang,” ani Valenzuela Mayor Rex Gatchalian sa isang panayam sa “TV Patrol.”
Dahil sa pagpapalawig ng quarantine, apektado rin ang pondo ng mga LGU, kaya naman itinuturing ng mga mayor na tila sagot sa kanilang problema ang “Pantawid ng Pag-ibig.”
Giit ni Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano, “siyempre kahit may mga budget po kami, eh hindi pa po rin sasapat kaya nagpapasalamat kami. Napakaganda ng proyekto na ito ng ABS-CBN. Talagang makakatulong po ito, mae-extend pa ang kung anong mayroon kami sa local government.”
Para naman kay Maragondon, Cavite Mayor Reynaldo Rillo, ang simpleng taus-pusong paghahatid ng ayuda ng network ay pagpapakita ng malasakit at pagmamahal sa kapwa. “Ako po ay nagpapasalamat sa lahat-lahat po na tumutulong sa atin, na ipinaabot sa atin ang kanilang mga pagmamahal sa pamamagitan ng mga pagdadala ng relief goods dito sa aming bayan.”
Para naman kay Malolos, Bulacan Mayor Gilbert Gatchalian, pinaramdam ng ABS-CBN na hindi nag-iisa sa pagharap sa giyera laban sa COVID-19 ang bawat pamilyang Pilipino. Aniya, “thank you dahil sa kagaya ng ABS-CBN sa inyong ‘Pantawid ng Pag-ibig’ program pinaramdaman ninyo talaga sa kababayan natin that they are not alone in this battle.”
Samantala, umabot na sa P409,721,248 milyon ang natanggap na donasyon ng “Pantawid ng Pag-ibig” program. Ang nalilikom na pondo ay pinambibili ng produktong pagkain at gamit sa araw-araw na siya namang dinadala sa mga LGU upang kanilang ipamahagi sa mga nangangailangan sa kanilang lugar. Nagpapasalamat din ang ABS-CBN at ABS-CBN Foundation sa mga lifer ng Caloocan, Las Piñas, Malabon, Makati, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig, Valenzuela, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal sa kanilang tiwala at suporta sa “Pantawid ng Pag-Ibig.”
Kahit anuman ang pinagdaraanan, hindi mapapagod ang ABS-CBN na maglingkod sa bawat pamilyang Pilipino. Tuloy ang ABS-CBN Foundation sa pagtanggap ng mga donasyon sa layunin nitong mas marami pa ang matulungan. Ipadala ito sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts: BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, PNB peso account 1263-7000-4128, BDO peso account 0039301-14199, at BDO dollar account 1039300-81622. Pwede rin sa pammagitan ng Cebuana Lhuillier, PayPal, Pass it Forward, and GCash.