News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN at WeCARE, nag-sanib pwersa para maghatid ng PPEs para sa mga frontliner

May 29, 2020 AT 06 : 27 PM

ABS-CBN and ABS-CBN Foundation remain on a mission to help fulfill this need, and has found a new partner in finding and providing the much-needed support that our medical frontliners need during this pandemic. 

Habang patuloy ang laban kontra sa COVID-19 sa bansa, patuloy ding nangangailangan ng suplay ng personal protective equipment (PPEs) ang ating mga healthcare worker na nalalagay ang buhay sa panganib sa kanilang pagtupad sa tungkulin.

Nananatiling nakasuporta sa kanila ang ABS-CBN at ABS-CBN Foundation, na nakipagsanib-pwersa sa isa pang organisasyon upang makahanap at makapaghatid ng mga gamit na propotekta sa ating medical frontliners sa kanilang pagharap sa pandemya.

Kaisa ng network at foundation ang WeCARE (We Connect, Act and Respond to Emergencies), isang libreng plataporma kung saan inuugnay ang mga indibidwal at grupong nais tumulong sa mga komunidad na may pangangailangan sa panahon ng krisis.

Gawa ng Cortex Technologies Inc. (Cortex) sa ilalim ng Concepcion Industrial Corporation (CIC) ang WeCARE, na makakatulong sa mabilis at maayos na pagresponde ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation sa mga kailangang PPEs ng mga ospital at laboratoryo para sa COVID-19. Kailangan lang irehistro ang kanilang institusyon sa www.wecare.ph at isaad ang mga gamit na hinihiling nila. 

Ang pagtutulungang ito ay bahagi ng “Pantawid ng Pag-ibig” ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation, na malawakang kampanya para tulungan ang mga Pilipinong apektado ng krisis sa COVID-19. Papasok na sa ikalawang yugto ang “Pantawid ng Pag-ibig,” na nakapaghatid na ng tulong na pagkain at mga pangangailangan sa araw-araw sa aabot sa 780,000 pamilyang nawalan ng hanapbuhay sa ilalim ng community quarantine. Sa tulong din ng donors at partners, nakapagdala rin ito ng 172,000 surgical masks, 56,374 N95 masks, 2,000 cloth masks, 31,500 gloves, 19,600 hygiene kits, 15,277 goggles, 3,500 face shields, 2,400 alchohol, 1,000 body suits, 1,000 head caps, 1,000 shoe covers, at mga pagkain, inumin, at bulaklak sa 84 ospital at dalawang frontline organizations. 

Kasalukuyang may 150 ospital mula sa iba’t ibang parte ng bansa ang naka-rehistro sa www.wecare.ph at nangangailangan ng 519,000 na iba-ibang gamit na medikal. Sa pamamagitan ng donasyong salapi o kagamitan, tutulong ang ABS-CBN at ABS-CBN Foundation na mapunan ang demand sa PPEs ng mga institusyon sa WeCARE. 

Ayon kay ABS-CBN Integrated Public Service head Jun Dungo, napakahalaga ng PPEs sapagkat napakabilis kumalat ng virus. Aniya ito ang proteksyon ng mga healthcare worker upang sila ay hindi mahawa at makahawa. 

Dagdag rin ni ABS-CBN Foundation managing director Susan Afan, hindi na dapat problemahin ng mga frontliner ang PPE kung kayat mahalagang magkaisa ang lahat upang  tumulong sa kanila sa public health emergency na ating hinaharap.

Ayon kay CIC Chairman at CEO Raul Joseph Concepcion, makakatulong ang WeCARE para maiabot ang tulong sa tamang mga tao, sa tamang oras at lugar sakaling sila ay mangailangan sa panahon ngayon.

Sa pagsasanib-pwersa ng ABS-CBN, ABS-CBN Foundation, at WeCARE, nais nilang mas lumakas pa ang kampanya para sa PPEs lalo na at patuloy na dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa Department of Health (DOH), mayroon nang 15,049 kaso ng COVID-19 noong Mayo 27 at 16 porsyento dito (2,452) ay pawang mga healthcare worker. May 1,228 na sa kanila ang gumaling, habang 31 na ang binawian ng buhay.

Para sa impormasyon tungkol sa WeCARE, bisitahin ang www.wecare.ph. Para tumulong, maaaring mag-donate sa ABS-CBN LingkodKapamilya Foundation Inc. bank accounts: BPI Account Number: 4221-0000-27 with Swift Code: BOPIPHMM, and BDO Account Number: 0039300-78214 with Swift Code: BNORPHMM.