Serbisyo publiko, hindi negosyo ang naging inspirasyon ng ABS-CBN sa pag-broadcast sa malalayong lugar sa bansa, ayon kay Gabby Lopez, chairman emeritus ng ABS-CBN nang tanungin ito ng mga mambabatas kung ano ang kanyang nagawa para sa bansa, sa pagdinig ng House panel sa ABS-CBN franchise nitong Lunes, (Hunyo 8).
"Nang mawala sa ere ang ABS-CBN, higit sa tatlong miyong Pilipino ang hindi na nakakatanggap ng signal na nagdadala sa kanila ng impormasyon tungkol sa mga isyu sa bansa. Nakatira ang tatlong milyong ito sa pinakamalalayong lugar, hindi lamang sa probinsya.”
Aniya’y walang inaasahang kita ang sinumang negosyante sa paglagay ng signal sa mga lugar na ito.
Paliwanag ni Lopez na inaabot ng ABS-CBN ang mga malalayong lugar sa bansa dahil naniniwala itong dapat may pagkunan ng impormasyon ang mga Pilipino. Ngunit may mga Pilipinong naapektuhan dahil pinatigil ang ABS-CBN na umere sa TV at radyo.
Binalita kamakailan na hindi nakarating sa mga residente ng Aurora at Quezon ang balita tungkol sa paparating na bagyong Ambo.
Naging laman nga balita ang karanasan ng ABS-CBN reporter na si Jeff Canoy nang tumungo ito sa Aurora para kumalap ng balita tungkol sa bagyo. Tinanong siya ng mga mga pulis doon kung kailan magbabalik ang ABS-CBN dahil ito lang ang may signal doon. Sa ABS-CBN sila kumukuha ng balita dahil mahina rin ang signal ng cellphone doon.
Samantala, naging paksa pa rin ang citizenship ni Lopez House hearing para sa ABS-CBN franchise, kung saan sinabi niya na hindi ito isyu dahil Pilipino ang kanyang turing sa sarili.
“Ang pagiging US citizen ko ay nangyari dahil nag-aral ang aking ama sa America. Bakit kailangang maging basehan ito ng aking pagiging Pilipino o hindi? Hindi ba dapat suriin ang aking mga nagawa,” sinabi ni Lopez.
Sinabi naman ng Department of Justice at Securities and Exchange Commission na pareho lang ang dual citizens at buong Pilipino.