News Releases

English | Tagalog

Himig Handog 2020 bukas para sa mga awiting may iba't ibang tema

June 11, 2020 AT 12 : 44 PM

Visit www.himig.abs-cbn.com to register and submit your entries in MP3 format. Entries will be accepted until June 23 (Tuesday).

Nagbabalik ang Himig Handog, ang pinakamalaking songwriting competition sa bansa, para sa ika-11 taon ng pagbibida sa OPM at sa pagsisikap nitong maghatid inspirasyon at lakas sa mga Pilipino ngayong panahon ng krisis.
 
Sa kauna-unahang pagkakataon, binuksan ng ABS-CBN ang search para sa pinakamagagandang komposisyon hindi lamang para sa pop at ballad entries kungdi pati na rin sa mga awiting mula sa ibang genre tulad ng rock, hip-hop, rap, reggae, at iba pa.
 
“Wala tayong tema para sa Himig Handog 2020. Ang hinahanap namin ay magagandang kanta na pwedeng mag-uplift at magdala ng good vibes para sa ating listeners,” paglalahad ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo.
 
Nagbahagi naman ng inspirasyon ang dating Himig Handog contestants para sa mga nagnanais sumali sa patimpalak.
 
Kwento ni Richanne Jacinto na sumulat ng Himig Handog 2019 song finalist na “Paano Ba,” “Binigyan ako ng pagkakataon ng Himig Handog na maiparinig ang kanta ko sa buong mundo. I held onto my what-ifs and gave it a shot, so huwag kayong matakot na mangarap.”
 
Nagbahagi rin ng kanyang karanasan si Agat Morallos, na nasungkit ang 4th Best Song sa Himig Handog 2016 para sa awiting “Tama Lang” kasama si Melvin Morallos. Aniya, “Binuksan ng Himig Handog ang pinto para sa oportunidad, adventure, at higit sa lahat, pagkakaibigan. Naniniwala kami na hatid ng musika ang walang katapusang paglalakbay kaya’t patuloy lang magsulat at hindi mo alam kung saan ka dadalhin nito.”  
 
Samantala, ayon sa Himig Handog 2018 grand prize winner na si Kyle Raphael Borbon na sumulat ng “Sa Mga Bituin Na Lang Ibubulong,” ang karanasan ang naghatid sa kanya para maging resident songwriter at recording artist ng isang record label. “Kung may kanta ka dyan na nakatago lang, panahon na para iparinig yan sa buong mundo,” paghihikayat niya.
 
Nagbibigay rin ng pangalawang pagkakataon ang pinakahihintay na kompetisyon para sa mga nagnanais balikan ang kanilang music career. “Hatid ng Himig Handog ang panibagong buhay sa akin bilang songwriter at nagpapasalamat ako dahil dito,” ayon kay Karlo Zabala, composer ng Himig Handog 2017 4th Best Song na may titulong “Wow Na Feelings.”
 
Nagsisilbing platform para magdiskubre ng Pinoy talents, maghinang ng mga baguhang kompositor, at magprodyus ng mga natatanging awitin ang songwriting competition ng ABS-CBN sa mga nagdaang taon.
 
Bukas ang Himig Handog 2020 para sa Filipino songwriters mula sa Pilipinas at sa iba pang parte ng mundo. Bisitahin lamang ang www.himig.abs-cbn.com para mag-register at isumite ang inyong kanta na nasa MP3 format. Tatanggapin ang entries hanggang Hunyo 23 (Martes). Para sa karagdagang detalye, i-like ang @HimigHandog2020 sa Facebook.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE