Ang mga may hawak ng Philippine Deposit Receipts (PDRs) ng ABS-CBN Holdings ay walang karapatang magmay-ari o mamahala sa ABS-CBN bilang “passive investors” lamang. Ito ay ayon sa abogado ng network na si Atty. Cynthia del Castillo sa ginanap na pagdinig sa Kamara ngayong araw, Hunyo 11.
“PDRs are purely financial instruments. Hindi po ito shares. Hindi po sila nakakaboto sa ABS-CBN Broadcasting at hindi po sila nakakapag-participate sa management ng ABS-CBN,” ani Del Castillo.
Ipinaliwanag ni Del Castillo, ang dating dekano ng Ateneo de Manila University School of Law, na magkaibang kumpanya ang ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Holdings, at ang ABS-CBN Holdings ang siyang nagi-isyu ng PDRs.
Dagdag pa niya, aprubado ito ng Securities and Exchange Commission (SEC) at naipasa nila ang lahat nang hinihingi ng mga ahensya ng gobyernong tumitingin at nagpapatupad ng mga regulasyon tulad ng SEC at Philippine Stock Exchange (PSE).
Giit niya, dumepende sila sa mga permiso at lisensya na ibinigay ng SEC at PSE, hindi nila nilusutan ang Saligang Batas, at kanilang inilabas ng buo ang mga probisyon ng kanilang PDRs upang masuri ng mga awtoridad.
“Wala po kaming itinatago,” aniya.
Ayon kay Del Castillo, ang PDR ay kontrata sa pagitan ng ABS-CBN Holdings at ng PDR holder at walang kinalaman dito ang ABS-CBN Broadcasting.
Wala rin daw kapangyarihang bumoto ng board of directors o karapatan na mamahala sa kumpanya ang mga PDR holder.
Sabi naman ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, mabuti ang intensyon ng kumpanya sa pagkuha ng approval ng SEC bago ibinukas ang PDRs sa publiko noong 1999.
Sakali man daw ibawal ng SEC, ng korte, o ng Kongreso ang paggamit ng PDR sa buong industriya ng media ay susunod rito ang ABS-CBN.