Star Music revives the patriotic anthem "Pinakamamahal Kong Bayan" on Independence Day.
Star Music, ni-revive ang makabayang kanta sa Araw ng Kalayaan
May hatid na inspirasyon ang award-winning producer na si Jonathan Manalo para sa mga Pilipino na magkaisa sa pagdadasal para sa kaligtasan ng bansa sa kanyang interpretasyon ng makabayang awitin na “Pinakamamahal Kong Bayan” mula sa Star Music.
“Laging tagos sa puso ko ang mensahe ng awitin na maituturing pa ring mahalaga ngayon; maraming beses na akong pinaiyak habang nakikinig sa kantang ito,” ayon sa creative director ng ABS-CBN Music.
“Dasal ko na maramdaman ninyo ang mensahe ng kanta, gaya ng epekto nito sa akin.
God bless our country,” dagdag pa niya.
Isinulat ni Soc Villanueva ang inspirational track, habang prinodyus naman ni Jonathan ang revival nito at sumailalim sa musical arrangement ni Tommy Katigbak.
Kilala si Jonathan bilang magaling na composer at record producer na lumaki sa pamilyang mahilig sa musika. Sa loob ng dalawang dekada sa industriya, nakapag-prodyus na siya ng mahigit 25 multi-platinum albums at higit sa 50 gold certified albums para sa mga mang-aawit tulad nina Gary Valenciano, Jaya, Yeng Constantino, KZ Tandingan, at iba pa.
Ilan sa kanyang obra maestra ang “Pagbigyang Muli” ni Erik Santos, “Pinoy Ako” ng Orange & Lemons, at “Patuloy Ang Pangarap” ni Angeline Quinto. Siya rin ang sumulat ng “Tara Tena,” na nagwagi sa “JAM: Himig Handog sa Makabagong Kabataan” songwriting competition noong 2001.
Pakinggan ang “Pinakamamahal Kong Bayan” ni Jonathan Manalo sa
ABS-CBN Star Music’s YouTube channel at sa iba’t ibang music platforms. Para sa karagdagang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).