Ang ABS-CBN Holdings ay isang lehitimong kumpanya at hindi nilikha upang manloko, sinabi ni ABS-CBN legal counsel Atty. Cynthia del Castillo sa House panel hearing ng prangkisa ng network nitong June 15 (Lunes).
Nanindigan si Del Castillo na hindi ito itinayo para makaiwas sa pananagutan.
Pinabulaanan rin nito ang paratang na “isang” kumpanya lamang ang ABS-CBN Broadcasting Company at ang ABS-CBN Holdings.
Sinabi rin ni Del Castillo na hindi naiiba ang ABS-CBN Holdings sa mga holding companies na naka-rehistro rin sa SEC. Aniya’y lehitimo ang holding companies at ang mga negosyo nito ay mamuhunan sa iba't ibang mga kompanya.
“Normal po 'yan na may holding company na ang kanila lang pong business ay mag-invest sa other companies, at ang kanila pong kita ay nanggagaling sa dibidendo na binibigay ng mga kompanya na kanilang ini-investan,” saad niya.
Samantala, sinabi rin ni Rep. Edcel Lagman na sumusunod sa Konstitusyon ang pag-isyu ng Philippine Deposit Receipts o PDRs ng ABS-CBN Holdings at pinayagan ito ng Securities and Exchange Commission at ng Philippine Stock Exchange.
“There is nothing illegal or irregular about this,” sinabi ni Lagman. Dagdag pa niya na hindi ito ginawa para iwasan ang mga probisyon ng Saligang Batas.
Ipinaliwanag din ni Lagman na walang karapatan sa pagmamay-ari at pamamahala ang PDR holders ng ABS-CBN Holdings dahil wala silang karapatan bumoto sa underlying shares.
Sinabi rin ni Del Castillo noong nakaraang pagdinig na "passive investors" lamang ang foreign at local PDR holders at wala silang karapatan bumoto, mang-impluwensiya, o maghalal ng mga opisyal sa naturang broadcasting company.