News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN vice chairman: Karapat-dapat na ma-renew ang aming prangkisa

June 17, 2020 AT 07 : 35 PM

Umapila si ABS-CBN vice chairman Atty. Augusto “Jake” Almeda-Lopez sa Kamara na kilalanin ang halaga at mahahalagang kontribusyon sa bansa ng ABS-CBN at ng 11,000 manggagawa nito.
 
“Can you give me another two minutes?  You know we are fighting for our lives,” sabi ni Almeda-Lopez sa House panel committee hearing sa franchise renewal ng ABS-CBN.
 
Para kay Almeda-Lopez, karapat-dapat na ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN at sinabing kung hindi ito ibibigay ay maipagkakait sa publiko ang libangan, balita, at pagpapalaganap ng kultura.
 
Binigyang-diin ni Almeda-Lopez na higit pa sa TV channel 2 at DZMM AM radio ang ABS-CBN dahil ito ay nagbigay ng maraming mahahalagang kontribusyon sa bansa tulad ng Knowledge Channel na kinilala ng United Nations bilang isa sa mga epektibong public service programs sa bansa.
 
Ibinahagi rin niya na naghahatid ng makabuluhang serbisyo publiko ang ABS-CBN Foundation at nauuna itong tumugon o isa sa mga nauunang tumugon tuwing may kalamidad sa bansa.
 
Binanggit din ni Almeda-Lopez, na naging general manager ng ABS-CBN noong 1966, ang programang Bantay Bata, na nagliligtas at nagbibigay proteksyon sa mga bata mula sa pang-aabuso, ang Pasig River clean-up program, at ang maraming medical mission na pagpapatunay na ang kumpaya ay “in the service of the Filipino.”
 
Umapila si Almeda-Lopez sa mga miyembro ng Kongreso na bigyan ng pagkakataon ang ABS-CBN na ipakita ang kanilang kahalagahan at kontribusyon sa bansa.