Maingay at mainit ang pagsalubong ng madlang people sa loob at labas ng bansa sa pagbabalik ng “It’s Showtime” sa Kapamilya Channel at Jeepney TV, kaya naman naging usap-usapan ito at pumalo sa milyon-milyong views online.
Pagkatapos ng tatlong buwan, muling nagsama-sama sa stage ang hosts na sina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Jugs Jugueta, at Teddy Corpuz na makikitang nakasuot ng face shield at ilang metro ang pagitan mula sa isa’t isa sa kanilang opening number noong Sabado (Hunyo 13).
“Ang pagbabalik namin sa ‘Showtime’ at ang pag-ere ng Kapamilya Channel ay hindi naman solusyon sa COVID-19. Hindi ito magbibigay ng gamot sa mga nagkaroon ng sakit, pero maaari po kaming makapagbigay ng gamot sa ilang mga karamdaman na dinulot ng COVID-19 – ng kalungkutan ninyo, ng kabagutan ninyo, ng takot ninyo na nararamdaman niyo ngayon. Pipilitin naming mabura ‘yan sa pamamagitan ng paglagay ng kahit konting ngiti sa mga mukha ninyo. Kaya hayaan niyo po kaming tumuloy sa mga bahay ninyo dahil miss na po namin kayo at mahal na mahal namin kayo,” saad ni Vice na naging emosyonal habang kinakausap ang madlang people.
Bumaha naman ng mga mensahe ng suporta at saya online, kaya nanguna sa trending topics ng Twitter worldwide ang hashtags na #ShowtimeMagkaisayahan at #KapamilyaChannel, pati na ang “Kapamilya Forever" at "Showtime is back."
“To be honest ngayon na lang ako ulit nakatawa ng sobra after 3 months and it’s all because of Showtime. More power, Showtime!” kumento ni Janice Pring habang nanonood sa YouTube. “Watching It’s Showtime helped me in coping up with my depression and anxiety. I’m so glad they’re back,” sabi ni Azumi 93.
“The long wait is over our number one and favorite noontime show is finally back. Thank you ABS-CBN for creating a new channel for us to able to watch Kapamilya shows. Hope that someday we will seeing ABS-CBN / Kapamilya Channel on free TV,” saad ng Twiiter user na si @Artlayug1.
Maraming overseas Filipinos din ang nagbunyi, kabilang na si @richiecausaren mula Indonesia na nag-post sa Twitter, “Welcome back Showtime family. Ito ang patunay na hindi tayo matitibag sa ano mang pagsubok sa buhay. Malaki ang maitutulong niyo para mapasaya ang mga OFW.”
Nakakuha rin ang “It’s Showtime” ng higit sa 137,739 live concurrent viewers habang pinapalabas ito sa YouTube, Twitter, at Facebook at dinagdagan pa ng 2.5 milyong views sa paglipas ng araw noong Sabado (Hunyo 13).
Kasabay ng pagbabalik ng hosts ay ang pagpapakilala rin ng bagong segments na tutulong sa mga Pilipinong sumaya, makaranas ng ginhawa, at magkaroon ng kabuhayan, kabilang na ang “1Ted: Now Hiring,” kung saan matagumpay na nakapili ng bagong sekretarya si Karla Estrada para sa negosyo niyang Queen Mother Salon.
Sa “Pamilyanaryo,” binigyang pugay ang Brito family na malaki ang naitulong sa kanilang barangay sa Caloocan at nagwagi ng premyong P81,000, habang nagpatuloy naman ang pangmalakasang bakbakan sa kantahan sa “Tawag ng Tanghalan.”
Ayon sa hosts, sumasailalim ang lahat ng studio contestants sa quarantine at rapid testing bago tumuntong sa entablado.
Mapapanood ang “It’s Showtime” tuwing tanghali mula Lunes hanggang Sabado sa Jeepney TV at sa Kapamilya Channel (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat channel channel 2, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association (PCTA) sa buong bansa). I-check naman ang
mysky.com.ph at kontakin ang cable operator para sa malaman ang channel assignment sa ibang lugar.
Bagama’t ngayon ay hindi lahat ang makakapanood ng Kapamilya Channel, unti-unting maghahanap ng paraan ang ABS-CBN para maihatid ang mga programa sa higit pang nakararaming nagmamahal at nasasabik sa mga paborito nilang palabas mula sa ABS-CBN.
Mapapanood din ang livestreaming ng Kapamilya Channel at ang mga programa nito sa iWant app at sa
iwant.ph. Mapapanood din ang “it’s Showtime” sa TFC at Showtime Online Universe sa Youtube at Facebook. Para sa updates, i-like ang @ItsShowtimena sa Twitter o i-like ang
facebook.com/ItsShowtimeNa.