News Releases

English | Tagalog

Tony Labrusca at JC Alcantara bibida sa 'Hello Stranger,' ang unang BL digital series mula sa Black Sheep

June 24, 2020 AT 06 : 28 PM

After the local success of Thai BL (Boys' Love) series, Black Sheep is set to release Hello Stranger as a free-to-view online series on their Facebook and YouTube pages with weekly episodes.

 

Kasunod ng pagsikat ng mga Thai BL (Boys' Love) series sa bansa, ilalabas na ng Black Sheep ang 'Hello Stranger,' isang free-to-view digital series sa kanilang Facebook at YouTube pages na may bagong episode kada linggo simula June 24, 2020. Sa kanilang 2nd year anniversary, ilalabas na ng Black Sheep ang kanilang kauna-unahang digital series ngayong June 2020. Pinagbibidahan nina Tony Labrusca at JC Alcantara, ang "Hello Stranger" ay mapapanood ng lahat bawat linggo nang libre. Nabuo ang digital series sa gitna ng lockdown sa bansa at tungkol ito sa di inaasahang pag-ibig sa isang di inaasahang tao sa gitna ng di inaasahang pagkakataon. Tiyak na maihahatid ng digital series ang kilig at feels sa mga manonood kada linggo.

 

Kilala sa kanyang mga queer works tulad ng 2 Cool 2 Be 4gotten na nanalo bilang Best Picture sa 2016 Cinema One Originals Film Festival, magbabalik si Petersen Vargas sa digital screens matapos ang tagumpay ng Hanging Out, isang gay Filipino web series na inilabas at minahal ng mga manonood. Makakasamang muli ni Vargas si Patrick Valencia, co-creator at writer ng Hanging Out para maghatid ng Pinoy take nila sa sikat na sikat at kinababaliwan na BL series.

 

Tungkol ang HELLO STRANGER sa pag-iibigan at pagkakaibigan ng dalawang estudyante. Habang nasa kasagsagan ng lockdown, makikilala ni MICO (Alcantara), isang pala-aral at nerdy na estudyante, si XAVIER (Labrusca), ang sikat na basketball player sa kanilang unibersidad. Dahil sa isang school project na kailangan nilang pagtulungan, makikilala ng dalawa ang isa't isa at isang espesyal na pagtitinginan ang mamumuo sa pagitan nila. Pwede kaya silang maging more than friends? Matutunghayan ang kanilang kwento sa pamamagitan ng Zoom video calls, usapan sa Facebook, at posts sa Instagram. Batid ng digital series na i-explore ang mga tipo ng relationship na namumuo sa gitna ng panahon ng pandemya.
 

Matapos ang kanyang role sa Glorious noong 2018 na tumatak sa mga manonood, gagamitin ni Tony Labrusca ang kanyang charm at ka-pogian sa mga BL fans sa buong mundo sa kanyang role na si Xavier. Makakapareha naman ni Labrusca si JC Alcantara sa kanyang unang lead role matapos ang tagumpay ng teleseryeng Halik kung saan siya huling napanood. Dumaan ang dalawa sa workshops kasama ang director at ang buong team ng Hello Stranger para masiguro na kakikiligan nag dalawa ng mga manonood.

 

Kasama rin sa cast sina Gillian Vicencio, Vivoree Esclito at Patrick Quiroz mula sa Rise Artists Studio, at si Miguel Almendras na kilala na mula sa kanyang pagganap sa teatro. Gagampanan ni Vicencio ang role ni Crystal, isang sikat na estudyante na tinitingala ng lahat samantalang sina Kookai (Esclito), Seph (Quiroz), at Junjun (Almendras) naman ang bubuo sa The Young Padawans, ang barkada at support system ni Mico sa kasagsagan ng lockdown. Mapapanood ang Hello Stranger sa buong mundo simula June 24, 2020 ganap na 8:30 PM sa Facebook (fb.com/BlackSheepABSCBN) at YouTube (youtube.com/ Black_SheepPH) accounts ng Black Sheep. Ang unang episode din ng Hello Stranger ay magiging parte ng Pride Month Celebrations ng Cinema One Originals sa pamamagitan ng kanilang "Cinema At Home" virtual film festival.

 

Hayaan niyong ihatid ng Black Sheep ang pagmamahalang tunay ngayong June. Huwag kaligtaan ang linggo-linggong episodes ng Hello Stranger sa social media pages ng Black Sheep. Pindutin ang Like button sa Black Sheep Facebook page at mag-subscribe na sa YouTube account ng Black Sheep. Sundan ang @Black_SheepPH sa Twitter at Instagram para sa pinakabagong updates tungkol sa Hello Stranger. #HelloStranger #XavMi