Jake will launch a new single entitled "Miss You In The Moonlight" this July.
Handog ni Jake Zyrus ang mensahe ng pagmamahal sa pagdiriwang ng Pride Month sa pamamagitan ng kanyang latest single na “Love Even If” mula sa Star Music.
“Sa lahat ng mga negatibong kaganapan, ang pag-ibig ang pwede nating maging kontribusyon. Huwag tayong magsawang magmahal kahit pa maging masakit ito o mahirap gawin,” ani Jake.
Ang awiting “Love Even If,” na bahagi ng Bahaghari playlist ng Spotify, ay isinulat niya kasama sina Trisha Denise at ang ABS-CBN creative director na si Jonathan Manalo. Isa ito sa mga kantang nakapaloob sa “Evolution” album na inilunsad noong 2019.
Ibinahagi rin ng singer-songwriter na maglalabas siya ng bagong single sa susunod na buwan na may titulong “Miss You In The Moonlight.”
Kwento ni Jake na nag-experiment siya ng iba’t ibang genre dahil sa naging pagbabago sa kanyang boses at ito aniya ang unang jazz pop music na ilulunsad niya dahil komportable siya sa nabanggit na genre at bumagay ito sa boses niya.
Tungkol ang “Miss You In The Moonlight” sa isang tao na nahihirapan bumangon mula sa paghihiwalay na siya rin mismo ang nagdulot, at may hatid itong damdamin ng pagsisisi at pag-asa sa pangalawang pagkakataon. Isinulat ni Gab Tagadtad ang bagong awitin na prinodyus din ni Jonathan.
Samantala, isang documentary na base sa buhay ni Jake ang nagwagi sa US International Film and Video Festival ngayong taon.
May titulong “Jake and Charice,” ginawaran ang video ng Gold Camera award para sa dokumentaryo sa ilalim ng social issues category.
Hatid ng docu ang kwento ng Kapamilya singer mula sa pagiging kilala bilang Charice—ang unang Asian artist na nagkaroon ng Billboard top 10 hit—hanggang sa kanyang desisyon na lumantad bilang isang transgender man na kilala na ngayon bilang Jake Zyrus. Tampok sa video ang mga pinagdaanan niyang hirap pati na rin ang lakas ng loob na ipinamalas niya para mahanap ang sariling boses.
Mula sa produksyon ng NHK (Japan Broadcasting Corporation) at Documentary Japan ang “Jake and Charice” sa pakikipag-ugnayan sa NHK Enterprises, at kasama rin ang ABS-CBN bilang co-producer. Ipinalabas ito sa Japan noong November 2019.
Pakinggan ang “Love Even If” sa
YouTube at sa iba’t ibang digital platforms at abangan ang awiting “Miss You In the Moonlight” sa Hulyo. Para sa karagdagang impormasyon sa musika ni Jake, i-like ang Star Music sa Facebook (
www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).