Sumusunod sa lahat ng pangkalahatang pamantayan sa paggawa, pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho, at seguridad ng tenure ang ABS-CBN, ayon sa head of transformation ng kumpanya na si Mark Nepomuceno.
Sa pagdinig sa Kamara nitong Lunes (Hunyo 29), sinabi ni Nepomuceno na ang pagtalima ng ABS-CBN ay resulta ng pagsisikap nitong umakto sa pinaniniwalaan nitong naaayon at tama sa batas.
“Sa mga pagkakataong may mga kasong humantong sa korte, tutuparin lagi ng ABS-CBN ang pinal na desisyon ng korte,” aniya.
Dagdag niya, ilang beses nang kinilala ang ABS-CBN bilang mabuting employer, gaya na lang ng paggawad dito bilang “Asia’s Best Employer”, “Top Ten Companies To Work For”, “Best Companies To Work For In Asia”, “Philippines Best Employer Brand”, at “Most Distinguished Employer Of The Year.”
“Mahalaga ring banggitin ang award na “Valuable Partner In Education” at ang “Outstanding Corporate Governance Award” bilang katangi-tanging media network na kinilala na may outstanding corporate governance sa hanay ng mga publicly-listed companies sa Philippines,” sabi niya.
Sa parehong hearing, sinabi rin ni Labor Undersecretary Ana Dione na sumunod ang ABS-CBN sa lahat ng direktiba ng DOLE na tungkol sa pamantayan sa paggawa at sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho, matapos magsagawa ng routine inspection ang ahensya sa loob ng ABS-CBN noong Hulyo hanggang Setyembre 2018.
Paliwanag ni Dione, ginawa ang serye ng mandatory conferences para mapatunayan ng partido na sumunod ito sa mga naitalang paglabag at iba pang napag-alaman noong inspeksyon, sa pamamagitan ng pagpapakita ng pruweba ng pagsunod o pagbibigay ng tala ng manggagawa.
“ABS-CBN has fully complied with all the findings and violations that have been found out during the inspection," she said.
Samantala, sinabi naman ni Nepomuceno na 11,071 ang kabuuang bilang ng manggagawa ng ABS-CBN group, kung saan 5,918 ay nagtatrabaho sa ABS-CBN Corporation.
Dagdag niya, base sa BIR reports 1604CF at 1604E, nakapagbayad na ang grupo ng higit 20,000 manggagawa at suppliers noong 2019, na tinatayang bilang ng trabaho na nililikha nito kada taon.
Ipinaliwanag din niya na ang ABS-CBN Group ay binubuo ng 17 kumpanya, kabilang na ang ABS-CBN Corporation na nagbibigay ng suporta sa mga subsidiary nito, at ang hindi pag-renew sa broadcasting franchise nito ay makababawas sa kakayahan nitong magbigay ng suporta.
“Dahil sa financial, operations, at content support na natatanggap ng 16 kumpanya mula sa ABS-CBN Corporation, ang operasyon ng karamihan sa kanila ay matindi rin mapipinsala at sa kalaunan, hindi nila maiiwasang magtanggal din ng manggagawa,” sabi niya.
Sinang-ayunan naman ito ni ABS-CBN president and CEO Carlo Katigbak at sinabing, “the joint impact of COVID together with the cease-and-desist order is going to make it impossible for us to keep all our employees.”
“Sa panahon po ng pandemya, mahirap talagang makahanap ng panibagong trabaho. If you are retrenched and laid off, I think you will have to deal with the fear and uncertainty of not knowing how to provide for your family. Most of our employees are going through with this right now. I wish we could give them the assurance that everything will be ok, but that power rests in Congress," dagdag niya.