Siguradong matutuwa ang mga magulang sa mga bagong palabas sa YeY this June dahil kasama dito ang “Sesame Street: Elmo’s Playdate,” isa sa mga pinaka-unang palabas na nagtuturo sa mga kids tungkol sa social distancing. Eere din sa ang mga Public Service announcements kung saan maraming matututunan ang mga bata tungkol sa pag-iingat sa pandemia.
Ang nasabing 2020 American television special ay bahagi ng “Caring for Each Other” project ng Sesame Workshop na kinikilala ang halaga ng pag-iingat sa gitna ng pandemya sa Amerika. Tampok si Elmo at iba pang Sesame Street characters sa isang virtual playdate kasama ang ilang kilalang artista gaya nina Anne Hathaway, Lin Manuel Miranda, at Tracee Ellis Ross. Mapapanood ang special airing na ito sa June 7 (Linggo), 8:30am. Ipapalabas rin ang mga public service announcements mula kay Elmo at kanyang mga kaibigan buong buwan ng Hunyo.
Hindi rin dapat palampasin ng kids at parents ang “Masha and the Bear.” Mapapanood si Masha, isang batang palakaibigan at punong-puno ng sigla. Dahil makikilala niya ang isang dating circus bear sa gubat, magkakaroon na rin siya ng isang nakatatandang kaibigan na tutulong sa kanyang makihalubilo sa ibang tao. Ito ay isang kwento ng tunay na pagkakaibigan at malasakit, na may kasamang aral sa paglikha. Panoorin kung paano mapapasaya ni Masha ang buhay ni Bear tuwing Sabado at Linggo sa ganap na 7:30 AM.
Eere din sa unang pagkakataon sa YeY ang “Cardcaptor Sakura: Clear Card.” Sa naturang show, hindi sinasadyang mapapakawalan ni Sakura ang magical Clow Cards kasama ang mga mapanganib na creatures. Malalaman niyang may magical powers siya kung kaya’t susubukan niyang bawiin ang lahat ng cards. Tutulong sa kanya ang beast at protector ng cards na si Cerberus. Panoorin ang kanilang pakikipaglaban tuwing Lunes hanggang Biyernes, 6:00 PM.
Nagbabalik naman ang isa sa mga kilalang 90s animes, ang “Samurai X.” Sundan ang kwento ng dating assassin na si Kenshin na nangakong magbabagong buhay. Isang araw, mapupunta siya sa isang martial arts school at makikilala ang mga bagong kaibigan na tutulong sa kanyang ipagtanggol ang mga naaapi. Sundan ito Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 8:00 PM.
Ang Cardcaptor Sakura: Clear Card at Samurai X ay parehong mapapanood sa All YeY Anime block ng YeY.
Samantala, magbabalik naman ngayong Hunyo ang kwento ni “Judie Abbot.” Pag-aaralin ang ulilang si Judie sa isang kilalang high-school ng isang misteryosong tao na kilala lamang niya bilang John Smith. Minsan nang makita ito, tinawag niya itong Daddy Long Legs dahil sa kakaiba nitong katangian. Ang tanging sukling hingi nito kay Judie ay ang sumulat sa kanya buwan-buwan. Samahan si Judie sa pagpasok sa high school at pagtuklas sa totoong katauhan ni Daddy Long Legs Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 4:00 PM.
Bukod sa mga nasabing palabas, magbabalik rin ang “Power Rangers” at “Hero Academia.”
Tumutok sa YeY ngayong Hunyo at mag-enjoy sa mga bago at nagbabalik na palabas at anime series para sa buong pamilya.