ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) celebrates 31 years of service to the Filipinos this July by looking back at its different projects and efforts that brought love and transformation to Filipinos.
Tatlong dekada ng pagmamahal at pagbabago
Ginugunita ngayong buwan ng Hulyo ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) ang ika-31 taon nito sa paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng mga proyektong nagdadala ng pagmamahal at pagbabago sa sambayanang Pilipino.
Sa loob ng mahigit tatlong dekada, ang AFI ay nakapagbigay ng kalinga, nakatulong pangalagaan ang ating likas na yaman, at gumabay sa paguunlad ng mga komunidad sa bansa sa mga programa nito tulong ng mga donor at partner ng mga programa nito tulad ng Sagip Kapamilya, Bantay Kalikasan, at Bantay Bata 163.
Daan-daan libong Pilipino ang umasa sa pagdating ng Sagip Kapamilya tuwing may kalamidad o sakuna tulad ng bagyong Yolanda at Habagat, mga pagsabog ng Mayon Volcano at Taal Volcano, ang landslide sa Benguet, pati kaguluhan sa Zamboanga at Marawi. Nagsasagawa rin ito ng pag-aayos ng mga silid aralan at pamamahagi ng bagong bag at school supplies sa mga estudyante.
Samantala, ang Bantay Kalikasan naman ang grupo sa liko ng “Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig” at ang pinakamalaking foot race sa mundo na “10.10.10 Run for the Pasig River” na mga kampanya para sa paglilinis ng Ilog Pasig. Nanguna rin ito sa pagtatanim at pangangalaga ng isang milyong puno na siyang nagsagip sa La Mesa Watershed, na pinanggagalingan ng tubig ng 12.8 milyong residente ng Metro Manila. Sa ngayon, abala ang Bantay Kalikasan sa pagtulong sa mga Pilipinong gawing eco-tourism sites ang kanilang komunidad na ibinibida rin nila sa programang “G Diaries.”
Hindi rin tumitigil ang Bantay Bata 163, ang unang 24-hour helpline sa bansa at sa Asya na nakatutok sa mga bata, sa pagprotekta sa kabataang Pilipino. Nagbibigay na rin ito ng scholarship at tinutulungan din ang pamilya ng mga biktima na makabangon. Nagtayo rin ito ng “Children’s Village” sa Bulacan, kung saan inaalagaan ang mga nasagip na bata hanggang tamang panahon na upang makabalik sila sa kanilang pamilya at sa lipunan.
Sa pangunguna ng dating chair na si Gina Lopez, AFI rin ang nagbigay buhay sa mga educational TV program na “Sine’skwela,” “Bayani,” “Hiraya Manawari,” “Epol Apol,” at “Mathinik.”
Ngayong pandemya, aktibo rin sa pagtulong ang AFI sa pamamagitan ng “Pantawid ng Pag-ibig: Isang Daan. Isang Pamilya.” Noong Hulyo 13, umabot na sa mahigit P427 milyon ang nalikom nitong donasyong salapi at mga bagay na ginamit upang magbigay ng pagkain at araw-araw na pangangailangan ng mahigit sa 840,000 na pamilya. Naghahatid rin ito ng personal protective equipment (PPE) para sa mga frontliner sa mahigit 100 na ospital nitong community quarantine.
Kaagapay ng AFI sa lahat ng ito ang ABS-CBN, kung kayat isa ito sa mga nanawagan na mabigyan ng prangkisa ang network.
Ayon kay AFI managing director Susan Afan, ang ABS-CBN ang pinakamalaki at maaasahang donor at unang taga-responde ng AFI. “Ang isa po sa pinakamalaking donor ng Foundation ay ang ABS-CBN Network. Sila po ang nagpapalago ng aming kakayahan na mag-fundraise para mas marami po tayong magamit na pondo sa ating mga proyekto.”
Dagdag pa niya, apektado rin ang paggamit ng AFI sa iba-ibang resources ng network na mahalaga sa kanilang pagtugon sa iba-ibang pangangailangan ng mga Pilipino.
Gayunpaman, tuloy ang paghahatid serbisyo ng AFI. Tignan ang mga naging proyekto nito sa AFI newsletter ngayon Hulyo.
Maging updated sa iba-ibang programa at proyekto ng AFI sa pagsunod sa @ABSCBNFI_ph sa Twitter, @abscbnfoundationinc sa Facebook, o bumisita sa www.abs-cbn foundation.com.
Para sa iba pang updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.