News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, nagpasalamat sa talent managers at singers sa pakikiisa sa network

July 02, 2020 AT 12 : 56 PM

Nagpasalamat ang ABS-CBN sa Professional Artists Managers, Inc. (PAMI) at Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) na parehong nagpahayag ng kanilang suporta sa network at umapela sa Kongreso na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
 
“Lubos po ang aming pasasalamat sa PAMI at OPM na ibinahagi sa ating mga mambabatas kung bakit dapat na magpatuloy ang paglilingkod ng ABS-CBN. Patuloy kaming kumukuha ng lakas at inspirasyon mula sa aming mga kasamahan sa industriya at sa lahat ng taong aming pinaglilingkuran,” sabi ni ABS-CBN chief operating officer of broadcast Cory Vidanes.
 
Sa pagdinig sa Kamara noong Martes (Hunyo 30), nakiusap sina PAMI president June Rufino at OPM president Ogie Alcasid na bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN at binanggit ang mga naging kontribusyon nito at mga trabahong ibinigay sa mga artista at singer.
 
Ipinaliwanag ni Rufino sa pahayag niya na ang 400 artista na hawak ng PAMI ay katumbas ng 5,000 pamilya na mawawalan ng kabuhayan kapag hindi nabigyan ng prangkisa ang network.
 
It is therefore our humble plea to the honorable franchise committee to find it in your hearts and consciousness the future of over 5,000 families who are dependent and hopeful for your affirmative decision on the franchise renewal of ABS-CBN,” pahayag niya.
 
Samantala, ibinahagi naman ni Alcasid na tinutulungan ng iba’t ibang platforms at TV shows ng ABS-CBN na matupad ang pangarap ng mga mang-aawit sa bansa at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamllya.
 
“Naniniwala po kami na napakalaki po ng naitulong at maitutulong pa ng kanilang music platforms upang matulungan po ang ating mga local singers at songwriters na maipalabas at maiparinig ang kanilang created content tulad ng kanilang mga awitin at ang kanila pong performances,” pahayag niya.
 
“Napakarami na pong singer ang nabigyan ng pagkakataon na maiahon ang kanilang pamilya at mabigyan ng kaliwanagan ang kanilang mga pangarap na maging isang ganap na singer,” dagdag ni Alcasid.
 
Hiniling din ni Rufino na patuloy silang bigyan ng pagkakataong maging bahagi ng mga programa ng ABS-CBN na nagdadala ng saya sa mga Pilipino sa buong mundo.
 
In our own little way, we are deeply blessed and honored to be part of ABS-CBN’s many ways to be of service to the Filipinos worldwide. It is in our prayers that we will be allowed to keep on doing what we are truly and passionately love to do,” ani Rufino. 
 
Kamakailan naman, nagkasundo ang mga artista ng ABS-CBN at mga talent manager na bawasan ang talent fees sa mga palabas para tulungan ang network na makatipid habang hindi pa ito nakakabalik sa ere.
 
“Nagpapasalamat kami sa PAMI at lahat ng talent managers sa pang-unawa at konsiderasyon nila habang patuloy kaming nagsisikap sa paghahatid ng saya sa mga manonood sa pamamagitan ng aming mga programa,” pahayag ni Vidanes.
 
Ibinalik ng ABS-CBN ang ilang programa nito sa telebisyon sa Kapamilya Channel na napapanood sa cable at satellite TV sa buong bansa. Kabilang sa mga ito ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” “A Soldier’s Heart,” “Love Thy Woman,” “Magandang Buhay,” “The Voice Teens,” “ASAP Natin ‘To,” and “It’s Showtime.”  Naglunsad din ito ng mga bagong palabas na “Paano Kita Mapapasalamatan” at “Iba Yan.”