News Releases

English | Tagalog

“Pantawid ng Pag-ibig,” mahigit 820K pamilya na ang natulungan

July 05, 2020 AT 02 : 35 PM

Now on its second phase, “Pantawid ng Pag-ibig” delivers food packs directly to communities as it aims to serve 1 million families. As of July 1, the campaign has raised over P425 million and helped more than 820,000 families since the campaign was launched last March.

Mga tsuper, PWD, at IP, nakatanggap din ng ayuda

Walang tigil ang pagtulong ng “Pantawid ng Pag-ibig: Isang Daan. Isang Pamilya.” ng ABS-CBN Foundation (AFI) sa mga Pilipinong apektado ng community quarantine kabilang ang mga tsuper, mga may kapansanan, at mga katutubong Pilipino.

Sa ikalawang yugto ng “Pantawid ng Pag-ibig,” diretso na sa mga komunidad hinahatid ang food packs sa layunin nitong maabot ang 1 milyong pamilya. Noong Hulyo 1, umabot na sa mahigit P425 milyon ang nalikom na donasyon ng kampanya, habang mahigit 820,000 na pamilya na ang natulungan nito mula nung Marso.

Dahil maraming drayber ang hindi pa rin makapasada, dinalhan ng relief goods ng AFI ang 730 tricycle drivers ng ABCMS TODA sa Muntinlupa at 75 jeepney drivers ng UP Ikot at Katipunan sa Quezon City. Dagdag na 530 food packs pa ang pinamahagi sa mga pamilya ng senior citizens at jeepney at tricycle drivers sa Barangay 163 sa Caloocan.

Nakipagsanib-pwersa rin ang “Pantawid ng Pag-ibig” sa mga grupo upang mahatiran ng ayuda ang mga pamilyang may persons with disability (PWDs). Noong Hunyo 23 at 24, 1,000 na PWDs at kanilang mga pamilya sa ilalim ng pangangalaga ng Bigay Buhay Multipurpose Cooperative sa Caloocan ang tumanggap ng food packs, gayundin ang 322 pamilyang may-PWD na inaalagaan ng Kabalikat sa Pag-unlad ng may mga Kapansanan sa lungsod naman ng Pasig.

Daan-daang pamilya ng mga Aeta sa Tarlac at Pampanga mula sa mga komunidad ng Iba Resettlement Organic Garden Association (IROG), Zambales Cooperative Federation (ZACOFED), at JessMag Aeta Community, ang nagbenepisyo rin sa mga pagkaing naihatid sa kanila sa tulong ng “Pantawid ng Pag-ibig.”

Ilan lang sila sa marami pang komunidad at pamilyang dinarayo ng “Pantawid ng Pag-ibig.” Noong Hunyo, muling inilunsad ang kampanya bilang “Pantawid ng Pag-ibig: Isang Daan. Isang Pamilya” na hinihikayat na mag-donate ang mga Pilipino ng kahit P100 lamang na makakapawi na sa gutom ng isang pamilya. Ang nakakalap na pondo ay ipinambibili ng bigas, delata, biskwit, at bitamina, na siyang binibigay sa mga pamilya.

Para tumulong, mag-donate sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc - Sagip Kapamilya bank accounts: BPI Peso Account 3051-11-55-88, Metrobank Peso Account 636-3-636-08808-1, Security Bank Peso Account 000003312430-0, BDO Peso Account 0039301-14199, at BDO Dollar Account 1039300-81622. Maaari ring magpadala ng donasyon sa pamamagitan ng ABS-CBN Foundation website, Cebuana Lhuillier, PayPal, Pass it Forward, GCash, GrabPay, HSBC, Landers, Lazada, at PayMaya.

Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa www.pantawidngpagibig.com.