The nonrenewal of ABS-CBN's franchise has weighed down on some of its public service efforts like the Tulong Center, which was able to serve almost 55,000 Filipinos since 2014.
Matapos pagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN…
Isang malungkot na balita ang muling tumambad sa mga Pilipino sa pagsasara kamakailan lang ng ABS-CBN Tulong Center, na ilang taon nang nagbibigay ng libreng serbisyong ligal at medikal sa mga nangangailangan.
Sa opisyal na pahayag na ibinahagi nito sa Facebook, sinabi ng grupo sa ilalim ng ABS-CBN Integrated Public Service na hindi na sila makapagpapatuloy sa pagseserbisyo matapos hindi bigyan ng bagong prangkisa ang Kapamilya network.
“Nais po sana naming patuloy na makapaglingkod sa inyo, subalit ikinalulungkot po naming ipaalam na dahil sa hindi pagkakaloob ng prangkisa sa ABS-CBN, ang aming Tulong Center, kabilang ang aming online na serbisyo, ay tuluyan nang magsasara simula August 1, 2020,” sabi nito.
Lubos na naapektuhan ang mga programang public service ng ABS-CBN tulad ng Tulong Center, na nagsilbing takbuhan ng mga may sakit na bata at matanda, mga magulang at manggagawang may katanungan sa batas, at maging ng isang overseas Filipino worker na nailigtas mula sa kanyang abusadong amo sa Middle East.
Halos 55,000 Pilipino na ang natulungan ng Tulong Center simula 2014, matapos silang tumawag, mag-iwan ng mensahe online, o bumisita sa opisina nito sa ABS-CBN Compound sa Quezon City.
Maging ang ABS-CBN Foundation ay apektado rin. Habang magpapatuloy ang Sagip Kapamilya, Bantay Bata 163, at Bantay Kalikasan, may mga limitasyon na ang kanilang mabibigay na serbisyo.
Tulad na lang ng Bantay Bata 163, na mawawalan ng opisina sa mga probinsya dahil sa pagsasara ng ABS-CBN Regional sa Setyembre.
"Malaki ang kinapilay natin. Ang dami kasing nalilibre ng Bantay Bata dahil sa ABS-CBN," sabi ni Bantay Bata 163 advocate Jing Castañeda. "Talagang mabigat sa puso, nakakaiyak na hindian ang mga request na ito. ‘Yung mga gusto pong tumulong, pwede sa 163. We’d be happy to accept donations," dagdag pa niya.
Maliban sa ABS-CBN Tulong Center at ABS-CBN Foundation, nawala rin sa mga Pilipino ng iba-ibang programa sa ABS-CBN current affairs na direktang nakatutulong sa kanilang pamumuhay. Nariyan ang “Salamat Dok!” na linggo-linggong nagbibigay ng libreng checkup sa publiko, ang “My Puhunan” na nagtuturo ng mga mapagkakakitaan sa proyekto nitong Kabuhayan Caravan, ang “SOCO” na nagdaraos ng crime prevention seminar sa mga paaralan at komunidad, at “Mission Possible” na naghahanap at nagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong tinatampok nito sa programa.
Apektado rin ang iba pang proyekto na libo-libong Pilipino ang natutulungan taon-taon tulad ng “HaPinay Convention” ng DZMM TeleRadyo at “Umagang Kay Ganda,” TLC, Kapamilya Day, Global Pinoy Idol, Maligayang Paslit, at Red Alert Emergency Expo ng DZMM, INCA Grand Kapamilya Christmas Fair, at relief operations at public service events ng ABS-CBN Regional tulad ng “Grand Halad sa Kapamilya.”
Gayunpaman, hindi tumitigil sa paglilingkod ang ABS-CBN sa publiko sa patuloy na paglaban ng bansa sa pandemya. Mahigit 880,000 pamilya na ang nahatiran ng pagkain ng “Pantawid ng Pag-ibig: Isang Daan. Isang Pamilya.” ng ABS-CBN Foundation, habang mahigit 100 ospital na rin ang nadalhan ng medical supplies.
“Karangalan natin na pagkatiwalaan tayo ng publiko whether individual or mga institutional donors. Ipinagkakatiwala nila sa atin itong kanilang mga donations. Nandun ‘yung trust nila na makakarating ito doon sa mga nangangailangan,” ani ABS-CBN Integrated Public Service head Jun Dungo, ang pinuno ng ABS-CBN Integrated Public Service.
Dagdag pa ni ABS-CBN news public service head Rowena Paraan, nananatili silang pursigidong tumulong dahil sa pagmamahal ng mga taong kanilang pinagsisilbihan.
"Doon ako kumukuha ng lakas kasi alam mong relevant ka pa. Hinahanap ka nila at mahalaga ka sa kanila," aniya.
Para sa mga donasyon sa “Pantawid ng Pag-ibig” o sa ABS-CBN Foundation, bumisita sa www.abs-cbnfoundation.com. Para sa updates, i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook. Para sa iba pang balita, sundan ang ABS-CBNPR (@abscbnpr) sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.
-30-