Bagong panganib sa buhay at pag-ibig ang haharapin ni Cardo sa pambansang teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa pagpasok ng karakter ni Richard Gutierrez bilang si Lito, ang kababata at dating kasintahan ni Alyana.
“Excited ako bilang aktor na maging bahagi ng ganitong klaseng show na ilang taon nang tumatakbo pero sinusubaybayan pa rin ng ating viewers. Dapat nilang abangan ang unang paghaharap namin ni Cardo at ang love story namin ni Alyana,” sabi ni Richard.
Ang pagdating ni Richard ang isa sa mga pasabog na dapat abangan sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na napapanood na ngayon sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Para makahabol ang lahat, simula Lunes (Agosto 3) ay ipapalabas sa unang tatlong linggo ng Kapamilya Online Live ang episodes ng show na umere sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV bago ang bagong episodes na ipapalabas sa ikaapat na linggo.
Sa patuloy na pagtatago ni Cardo at ng Task Force Aguila mula sa mga awtoridad, makakahanap sila ng kakampi kay Lito (Richard), isang mayamang negosyanteng mag-aalok sa kanila ng trabaho sa kanyang lupain.
Kahit na nag-aalangan, mapipilitan naman si Cardo na magtiwala kay Lito dahil sa paggiit ni Alyana na mabuting tao ang kababata. Ang hindi naman alam ni Cardo, dati nang naudlot ang pagmamahalan ng dalawa at nangako si Alyana noon na babalikan niya si Lito.
Kahit nasa kanya na ang lahat, gagawin naman ni Lito ang lahat para makuha ang puso ni Alyana at maagaw ito mula sa asawa.
Tuluyan na nga bang makukuha ni Lito ang tiwala ni Cardo? Paano isasagawa ni Lito ang kanyang mga plano?
Bukod sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” mae-enjoy din sa Kapamilya Online Live ang panonood ng parehong classic Kapamilya shows at bagong episodes ng mga programa ng ABS-CBN. Libre at walang subscription fee na kailangang bayaran, ekslusibong napapanood Kapamilya Online Live YouTube at Facebook sa Pilipinas.
Tumuloy na sa bagong tahanan ng ABS-CBN shows na Kapamilya Online Live at mag-subscribe na sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel (www.youtube.com/abscbnentertainment) at Facebook page (www.facebook.com/ABSCBNnetwork). Para makakuha ng updates at makita ang schedule ng mga programa, pumunta lang sa kapamilyaonlinelive.com.