“Love Thy Woman” gears up for much-awaited finale tomorrow…
Bukas (Setyembre 11) na ang pinaka-inaabangang pagtatapos ng “Love Thy Woman” kaya naman todo pasasalamat si Ruffa Gutierrez sa lahat ng sumabaybay sa kanilang kuwento na puno ng rebelasyon mula at tinututukan sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online World.
“Kung pwede ko lang sila sulatan isa-isa. Hindi lang sa Pilipinas, talagang from all over the world. I think that is really the strength also of ABS-CBN, talagang worldwide in the service of the Filipino,” kuwento ni Ruffa sa programang “I Feel U” ni Toni Gonzaga.
Ayon pa kay Ruffa, mayroong mga nag-alinlangan sa tagumpay ng kanilang programa dahil sa pagkawala ng ABS-CBN sa free TV pero pinatunayan ng mga manonood na patuloy ang kanilang pagsuporta sa Kapamilya network maging sa online.
“Maraming maraming salamat kasi number one kami sa lahat ng online streaming sa Kapamilya Online Live. Talagang tinututukan kami not only here but abroad,” saad ni Ruffa na gumanap bilang si Amanda del Mundo.
Bukod sa fans, pinasalamatan din niya ang kanyang mga ka-trabaho na sa kabila nga ng mga pagsubok at kahit nasa gitna ng pandemya, ginusto nilang magtrabaho para makapagbigay kaligayahan sa mga manonood.
“Every time I look back, bilib na bilib ako talaga sa amin, sa buong cast, crew, staff. Napakahirap gumawa ng isang production. Napakahirap i-maintain 'yung excitement with everything going around,” sabi ni Ruffa.
Samantala, marami pang rebelasyon ang dapat abangan sa huling araw ng “Love Thy Woman” sa pagkamatay ni David (Xian Lim), na kagagawan ni Dana (Yam Concepcion) matapos niyang hindi sinasadyang mabaril ang dating asawa. Dahil dito, sisiguraduhin ni Jia (Kim Chiu) na makukuha niya ang hustisya para sa lalaking mahal at hindi titigil hangga’t hindi napaparusahan si Dana para sa lahat ng kanyang kasamaan.
Magkaroon pa nga kaya ng pag-asang mabuo ang pamilya nilang winasak ng galit at poot? Sino nga ba sa mga babaeng Wong ang magtatagumpay sa huli?
Alamin kung sino ang “the last woman standing” sa “Love Thy Woman,” Lunes hanggang Biyernes, 2:30 PM, sa Kapamilya Online Live sa Facebook page at YouTube ng ABS-CBN Entertainment, at sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SkyCable channel 8 SD and 167 HD, Cablelink channel 8, GSat Direct TV channel 22, and PCTA-member cable operators)). Mapapanood naman ang livestreaming ng Kapamilya Channel at mapapanood ang mga programa nito sa iWant app at sa iwant.ph. Para sa updates, i-like ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, and Instagram.